MANILA, Philippines — Para sa kaligtasan ng lahat ang ginawang pagtatakda ng 60 kilometer-per-hour (kph) na speed limit sa mga sasakyang bumibiyahe sa EDSA.
Ang paglilinaw ay ginawa ni Edison Nebrija, traffic manager for EDSA ng Metro Manila Development Authority (MMDA), kasunod ng mga pagtutol dito ng mga motorista.
Nagdesisyon ang Metro Manila Council na magpatupad ng 60 kph speed limit sa lahat ng sasakyang bumabagtas sa lahat ng circumferential at radial roads sa Metro Manila, kabilang ang EDSA o C-4, maliban sa mga bus at truck.
Mayroon naman aniyang bahagi na maaaring lumampas sa 60 kph ang speed limit lalo na kung hindi naman rush hour.
Iginiit din ni Nebrija na hindi na ligtas sa ngayon ang EDSA sa mas mabilis na biyahe dahil na rin sa mga lubak sa ilang bahagi nito.
Tiniyak naman niya na nagsasagawa na ng road repairs ang mga concerned agencies upang matiyak na ligtas ang bumiyahe sa naturang pangunahing kalsada.
Nakatakda pa lamang ianunsiyo ng MMDA sa mga susunod na araw kung kailan magiging epektibo ang speed limit, ngunit umapela sa mga motorista na obserbahan na ito ngayon pa lamang.