MANILA, Philippines — Makahihinga na ng maluwag ang mga artistang kabilang sa drug watchlist ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ito’y makaraang si Pangulong Duterte na ang nagsabi na wala siyang planong ilabas sa publiko ang pangalan ng mga artistang nasa narco list ng PDEA.
Katwiran ng Pangulo, hindi naman tatakbo sa alinmang puwesto sa gobyerno ang mga artistang nasa narcolist.
Hindi anya katulad ng narco politicians na pagdating ng araw ay maluluklok at hahawak ng puwesto sa gobyerno.
Giit ng Pangulo, morally bound siya o tungkulin niyang ipaalam sa mga tao ang klase ng pulitiko o opisyal na kanilang iboboto.
Wika ng Pangulo, kapag binoto pa rin ang mga ito at nanalo kahit pa sangkot sa iligal na droga wala na siyang magagawa dahil may umiiral na demokrasya sa bansa.