MANILA, Philippines — Maliban sa mga diumano'y dredging vessel na may lulang Tsino sa Lobo, Batangas, namataan na rin daw ang mga kahalintulad na sasakyang pandagat sa Zambales.
Ayon kay Makabayan senatorial candidate Neri Colmenares, nagsasagawa raw ito ng "malawakang" black sand mining operations, bagay na nagsasapeligro raw sa coastal communities.
"Inagaw na nga nila ang karagatan sa West PH Sea, ngayon pati dalampasigan natin kukunin nila at dadalhin sa China," sabi ng militanteng lider ngayong Miyerkules.
Dagdag pa niya, ninanakaw daw ang lupa ng Pilipinas para dalhin sa mga artipisyal na isla kaugnay ng "expansion" sa West Philippine Sea.
"Ayon sa mga source namin sa Zambales, kasalukuyang nasa lima hanggang anim na Chinese dredgers sa lugar," sabi ni Colmenares sa Ingles.
Kuha ng Chinese "dredgers" mula sa pampang.
Napansin na raw nila ang 'di bababa sa tatlong Chinese dredging ships na nakaposisyon sa Masinloc at Cabangan, Zambales habang kinukunan ang dokumentaryo nila sa West Philippine Sea noong ika-16 ng Pebrero.
Tinutukoy niya ang dokumentaryong inilabas na nagsisiwalat sa patuloy raw na pangtataboy ng Tsina sa mga Pilipinong mangingisda.
Personal pa raw siyang sumakay ng bangka para makalapit at makita ang mga barko.
"Pinadalhan din ako ng mga mangingisda ng litrato ng mga quarrying ships na may sakay na Chinese crew sa Cabangan, Zambales," sabi niya.
Matagal na raw inirereklamo ng mga residente ng Cagayan, Ilocos, Pangasinan, zambales, Leyte at Negros ang black sand mining.
"Ang tanong bakit pinapayagan ng gobyerno ang Tsina na magmina at sirain ang ating shorelines?"
'Walang dredging ships'
Una nang itinanggi ni Lt. Gen. Emmanuel Salamat, commander ng Nothern Luzon Command ng Armed Forces of the Philippines, na may mga dredging ships sa lugar.
"Nakipag-ugnayan na kami sa Bureau of Fisheries and Aquatic Resources at sa inisyal... walang nakitang dredging ships sa mga katubigan ng Bajo De Masinloc o sa West Philippine Sea," sabi ni Salamat sa isang pahayag sa Ingles.
Inilinaw naman ng Philippine Coast Guard na nakakuha ng clearance mula sa Maritime Industry Authority ang dredging ship na nakita sa Batangas.