Piñol nag-sorry sa pagpapaiwas ng BFAR sa pangingisda sa Panatag
MANILA, Philippines — Humingi ng tawad noong Martes si Department of Agriculture Secretary Manny Piñol matapos payuhan ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang mga mangingisdang umiwas muna sa Panatag Shoal.
Matatandaang sinabi ni BFAR National Director Eduardo Gongona na umiwas muna sa pinag-aagawang anyong tubig ang mga Pilipino. Nasa ilalim ng DA ang BFAR.
"I actually called his attention [that] it is a policy statement, and only the president can make such comment so we apologize for that," sabi ni Piñol sa mga reporter.
(Kinausap ko na siya at sinabing policy statement 'yon, at ang pangulo lang ang pwedeng gumawa ng ganoong komento kung kaya't humihingi kami ng tawad.)
Kasalukuyang pinag-aagawan ng Pilipinas, Tsina at Taiwan ang Panatag, na kilala rin sa pangalang Scarborough Shoal.
Kahapon, hinikayat ng Department of National Defense ang mga mangingisda na ipagpatuloy ang kanilang mga aktibidad sa mga katubigan at exclusive economic zone ng Pilipinas.
Inilabas ng DND ang pahayag matapos diumanong maghain ng diplomatic protest ng Pilipinas laban sa Tsina.
Pinayuhan naman ni presidential spokesperson Salvador Panelo ang Chinese fishermen na umalis sa paligid ng Pag-asa.
"We are not discouraging our fishermen from going to the Panatag Shoal. They are allowed to fish wherever they are allowed to fish," dagdag ng kalihim sa agrikultura.
(Hindi namin pipigilan ang ating mangingisda na pumunta sa Panatag Shoal. Maaari silang manghuli ng isda kung saan man sila pwedeng mangisda.)
'Proteksyon hindi sorry'
Pero hindi naman bumilib ang isang fisherfolk group sa pahayag ni Piñol.
Ayon sa Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas, proteksyon laban sa Chinese vessels at hindi sorry ang kailangan ng mga mangingisda.
"The fishers are not impressed by the sorry of Secretary Piñol; what we need is a state-protection from harassment of Chinese Coast Guard and not a frail statement of apology from our government officials," sabi ni Fernando Hicap, national chairperson ng Pamalakaya, ngayong Miyerkules.
(Hindi bilib ang mga mangingisda sa paumanhin ni Secretary Piñol; ang kailangan namin ay proteksyon ng gobyerno laban sa panggigipit ng Chinese coast guard at hindi paghingi ng tawad mula sa opisyales ng pamahalaan.)
Binatikos ni Hicap ang "kawalan ng aksyon" ni Piñol gayong trabaho raw niya na na paunlarin ang kita ng mga mangingisda at magsasaka.
Aniya, parehong "guity" sina Piñol at Gongona sa hindi pagtatanggol ng likas yaman sa West Philippine Sea.
"Wala na ngang maasahan sa Malacañang, dumagdag pa ang mga ahensyang nakatakda sanang mangalaga sa pangisdaan at agrikultura ng bansa," dagdag ni Hicap, na dating mambabatas ng Anakpawis party-list.
Dalawang linggo na ang nakalilipas nang ilabas ng grupo ni Makabayan senatorial candidate Neri Colmenares ang isang dokumentaryo na nagdedetalye sa patuloy na panggigipit diumano ng Tsina laban sa mga Pinoy.
Hinamon naman niya si Piñol na batikusin ang diumano'y "malambot" na tindig sa territorial dispute ng Pangulong Rodrigo Duterte.
- Latest