Pinsala dahil sa El Niño umabot nang P5B

Ilan sa mga commodities na primaryang tinamaan ay ang bigas at mais.
AFP, File

MANILA, Philippines — Umabot na sa P5.05 bilyon ang production loss na naitala sa sektor ng agrikultura dulot ng El Niño ayon sa inilabas na datos ng Department of Agriculture ngayong Martes.

Ito'y P2.55 bilyong pagtaas mula sa P2.7 bilyong pinsala na inilabas noong ika-27 ng Marso.

Kaugnay nito, nasa 276,568 metric tons na ang naging volume loss dulot ng El Niño.

Ayon sa DA-Disaster Risk Reduction and Management Operations Center, pumalo na sa 177,743 ektarya ang apektado dulot ng matinding init ng panahon.

Kasalukuyang tinatamaan ang produksyon ng mga sumusunod na rehiyon:

  • Cordillera Administrative Region
  • Region I
  • Region II
  • Region IV-A
  • Region IV-B
  • Region V
  • Region VI
  • Region VII
  • Region IX
  • Region X
  • Region XI
  • Region XII
  • Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao

Ilan sa mga commodities na primaryang tinamaan ay ang bigas at mais.

Dagdag pa ng DA-DRRMC, aabot na sa 164,672 magsasakang apektado ng krisis, na 85,628 pagtaas mula sa dating 79,044.

Humihingi na ngayon ng ayuda ang ilang pesante upang ibsan ang pasakit ng mga nagbubungkal.

"[W]e reiterate our demand to government agencies and local government units to release economic support and food assistance to farmers heavily affected by the ongoing El Niño," sabi ni Zenaida Soriano, chairperson ng National Federation of Peasant Women (Amihan), kahapon.

Sa kabila ng pinsala, nanindigan naman ang National Economic and Development Authority na hindi gaano makaaapekto sa paglago ng ekonomiya at inflation ang dry spell.

Show comments