MANILA, Philippines — Kinatigan na ng Sandiganbayan ang nauna nitong sentensiya sa negosyanteng si Janet Lim-Napoles sa kasong plunder kaugnay ng multi-bilyong pisong anomalya sa Priority Development Assistance Fund na siya umano ang utak.
Sa 16 na pahinang resolusyon na may petsang Marso 13 ang promulgasyon pero kahapon lamang nakuha ng mga reporter, tinanggihan ng First Division ng anti-graft court ang motion for reconsideration ni Napoles sa hatol ng Sandiganbayan noong Disyembre 7, 2018 na nagpapataw sa kanya ng parusang reclusion perpetua o minimum na 20 taong pagkabilanggo at maximum na 40 taong pagkabilanggo makaraang mapatunayan ang kanyang pagkakasala.
Ang sentensiya ay kaugnay sa maling paggamit sa P517 milyong PDAF ni dating Senator Ramon ‘Bong’ Revilla Jr..
Napawalang-sala sa naturang kaso si Revilla dahil nabigo ang prosecution panel ng Ombudsman na magharap ng ebidensiya na tumanggap siya ng rebates, komisyon o kickback para sa alokasyon sa PDAF ng pekeng non-government organization ni Napoles.
Minantini ng First Division na ang pagkakaabsuwelto kay Revilla ay hindi nagpapawalang-sala kay Napoles dahil merong sapat na ebidensiya na sila ng kapwa niya akusadong si Richard Cambe ay nagsabwatan para isagawa ang krimen.