Pagpapaiwas ng BFAR sa Panatag, patunay daw ng harassment ng Tsina

Kuha ng mga Pilipinong mangingisda.
Release/Pamalakaya

MANILA, Philippines — Iginiit ng isang militanteng grupo na pagkumpirma sa patuloy na panggigipit ng Tsina sa mga Pilipinong mangingisda ang pahayag ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources kamakailan.

Sa panayam ng dzBB kasi nitong Sabado, sinabi ni BFAR National Director Eduardo Gongona na umiwas muna sa pinag-aagawang anyong tubig ang mga mangingisda.

"Refrain muna natin na pumunta doon, for the meantime, and concentrate on our municipal waters kasi 'yun nga ang pinangingisdaan natin," ani Gongona.

Sa isang briefing sa Malacañang, sinabi ng tagapagsalita ng pangulo na si Salvador Panelo itatanong ng Palasyo sa BFAR tungkol sa pahayag na ito.

Ayon naman kay Bayan Muna chairperson Neri Colmenares, palatandaan lang daw ng "pasukong" retorika ng BFAR na totoo ang pangtataboy ng mga Tsino sa Panatag Shoal.

"As it is, BFAR confirmed our allegations. It showed that Malacanang's and the AFP's claim that what we exposed in our documentary is not true was outrightly disproven by the BFAR warning," ani Colmenares na tumatakbo rin sa pagkasenador.

(Pinatotohanan lang nito ang aming mga alegasyon. Pinasisinungalingan ng babala ng BFAR ang mga pahayag ng Malacanang at Armed Forces of the Philippines na hindi totoo ang inilathala namin sa aming dokumentaryo)

"Kaya wag na silang magpalusot at depensahan nila ang mga mangingisda at ating teritoryo."

Isang linggo na ang nakalilipas nang ilabas ng grupo ni Colmenares ang isang dokumentaryo na nagdedetalye ng paninira diumano ng balsa ng Chinese coast guard at pagkuha nila ng mga huling isda ng mga Pilipino.

Nanindigan din ang kanilang kampo na bago ang mga footage na ginamit sa panayam sa mga mangingisda.

Nauna nang itinanggi ng Armed Forces of the Philippines na may nangyayaring ganitong mga pag-atake.

Aniya, wala naman daw silang natatanggap na ulat kaugnay ng mga alegasyon.

"We have coordinated with the Bureau of Fisheries and Aquatic Resources and initially, there were no reports of Filipino fishermen being subjected to the said attack of Chinese water cannons, and so far, there were no sightings of dredging ships in the waters of Bajo De Masinloc or in the West Philippine Sea," sabi ni Lt. Gen. Emmanuel Salamat, kumander ng Northern Luzon Command ng AFP.

(Nakikipag-ugnayan kami sa BFAR at sa inisyal, wala namang naiuulat na pinatatamaa ng water cannon ng mga Tsino ang mga mangingisda, at sa ngayon, wala namang nakikitang dedging ships sa katubigan ng Bajo De Masinloc o sa West Philippine Sea.)

Taliwas ito sa sinasabi ng mga mangingisda sa video na may mga dredging ships at water cannons na ginagamit ang Tsina.

Ayon naman sa Palasyo, sa pagkakaalam nila ay wala nang nangyayaring panggigipit ang mga dayuhan sa pinag-aagawang fishing grounds matapos makipagnegosasyon sa dambuhalang bansa.

Gayunpaman, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na maghahain sila ng protesta oras na mapatunayan ang mga reklamo.

Kulang na ang huli, 'pinagbawalan pa'

Dagdag ni Colmenares, hindi makatutulong sa mga mangingisda ang pagpapaiwas ng BFAR sa Panatag Shoal.

"Lubha na ngang bumaba ang huling isda ng mga kababayan natin tapos ngayon ay pinagsisiksikan pa sila ng BFAR sa municipal waters natin samantalang ang China ay naghahari-harian sa ating traditional fishing grounds," wika ni Colmenares, na dating mambabatas.

Ilang linggo na nang manawagan ng ayuda ang grupong Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas sa pamahalaan bunsod ng mababang huli ng isda dulot ng El Niño.

"Kapag pinasok ng magnanakaw ang bahay mo tama bang ang payo sa iyo ng gobyerno ay huwag ka munang pumunta sa saril mong bahay?" sabi ni Colmenares.

Taong 2016 pa nang katigan ng Permanent Court of Arbitration ang kaso ng Pilipinas laban sa pag-angkin ng Tsina sa malaking bahagi ng South China Sea, kung saan naroon din ang West Philippine Sea.

Hamon sa BFAR

Inudyok naman ng grupo ang BFAR na tumindig laban sa mga diumano'y agresibong maniobra ng Tsina.

"On the contrary, dapat igiit ng BFAR na traditional fishing ground ng Pilipinas ang Panatag Shoal at walang karapatan ang Chinese Coast Guard na itaboy ang ating mga mangingisda. Ang problema, ang Presidente mismo ang astang patalo kaya ganyan din down the line," sabi ni Colmenares.

Ikinadismaya naman ng kanilang kinatawan sa Kamara ang mungkahing ito ng BFAR.

Imbis na panindigan ang karapatan ng Pilipinas sa lugar, kwinestyon ni Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate ang pahiwatig ng bureau. 

Dagdag pa ni Zarate, kaysa gamitin sa mga kritiko ng administrasyon ang pwersa ng gobyerno, gamitin na lang nila ito sa West Philippine Sea.

"Ang tatapang pala ng AFP at PNP (Philippine National Police) e[h], bakit di sila doon sa Scarborough shoal at Pag-asa island magpakitang gilas laban sa China," sabi ni Zarate.

Show comments