MANILA, Philippines — Simula na ngayon ang kampanya ng mga kandidato sa pagka-gobernador, kongresista, mayor pababa hanggang sa konsehal ng mga munisipalidad at siyudad.
Nakahanda na rin ang Commission on Elections Comelec na bantayan ang mga lokal na kandidato lalo na pagdating sa mga paglabag sa campaign rules.
Nagpaalala ang Comelec sa mga botante na pag-aralan mabuti ang mga kandidato at isiping mabuti kung sino ang karapat-dapat na iboto sa darating na eleksyon.
Samantala, inanunsyo ng Comelec na hindi na magiging kabahagi ng gaganaping midterm elections ang Autonomous Region in Muslim Mindanao (ARMM).
Kasunod ito ng binuong Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) na naging resulta ng isinagawang plebisito.
Sa naging Comelec Resolution 10512, tinanggal na ang mga posisyon ng regional governor, regional vice–governor at members ng regional legislative assembly ng ARMM kasunod ng naging ratipikasyon sa Bangsamoro Organic Law (BOL).