MANILA, Philippines — Ikinatuwa ng isang opisyal ng Catholic Bishop's Conference of the Philippines ang listahan ng i-eendorso sa pagkasenador ng isang inter-faith group.
Tinutukoy ni Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo ang 10 kandidato na pinili ng ilang lay Christian leaders mula sa People's Choice Movement, na binubuo ng mga Katoliko, Evangelical at Protestanteng lay leaders.
"Our lay leaders, the People’s Choice Movement, have done their work of discernment," ani Pabillo sa kanyang Faceook post.
Kabilang sa listahan ang independent candidate na si Sen. Grace Poe, dating Bayan Muna Rep. Neri Colmenares at walo mula sa oposition slate na Otso Diretso: Gary Alejano, Bam Aquino, Chel Diokno, Samira Gutoc, Florin Hilbay, Romy Macalintal, Mar Roxas at Erin Tañada.
Aniya, trabaho ngayon ng mga layko na tulungan ang kanilang mga kandidatura para kontrahin ang mga tradisyunal na pulitiko.
"Now is the task for all the lay faithful to campaign the deserving candidates so as to counter the money and the political machineries that the TRAPO politicians are using," dagdag niya.
Batayan sa pagpili
Gamit ang ilang "Christian criteria," binuo ng People's Choice Movement ang GABAYKRISTO bilang panukat sa mga 62 senatorial hopeful.
Mula rito, sinaliksik daw nila ang paninindigan ng mga kandidato pagdating sa iba't ibang napapanahong isyung pambansa.
Ilang beses pa raw silang nagpulong upang buuin ang mga criteria para salain ang mga kandidato.
Dalawa raw ang screening na ginawa ng People's Choice Movement.
Sa unang bahagi, tinignan nila kung sinu-sino ang mga kandidatong naniniwala sa Diyos at pederalismo/charter change.
"They believe that a person who does not have the fear of God in him can easily abuse others. They also believe that the present state of the country is not ready for federalism and charter change," wika ng pari.
Dahil doon, 30 raw kaagad ang natanggal mula sa 62.
Para sa natirang 32, isinailalim sila sa ikalawang screening pagdating sa kanilang na may 20 katanungan na hinati sa apat na kategorya: "character and honor, "competence and abilities," "faithfulness to public service" at "faithfulness to God, the Constitution and the laws."
Mula rito, nasala nila ang 10 senatorial candidates.
"This is a serious kind of discernment circle that the bishops have been calling out," sabi ni Pabillo.
Tinutukoy niya ang inilabas na pahayag ng CBCP na "Seek the Common Good" noong ika-28 ng Enero.
Dito, in-engganyo ang mga laiko, o mga 'di ordained na miyembro ng Simbahan, na makiaalam at tulungan ang iba pa na pumili ng mga kandidatong magtataguyod ng ikakabuti ng lahat.
"Participation in politics for Christian lay people is not just to be limited to non-partisan involvement. Christians are also encouraged to engage in principled partisan participation. This means that they can campaign for good candidates as an exercise of their Christian faith," sabi ng CBCP statement.