MANILA, Philippines — Walang balak ang Malacañang na tanggalin sa pwesto si Philippine Charity Sweepstakes Office board member Sandra Cam kaugnay sa alegasyon ng korapsyon.
Ito’y kasunod ng panawagan ni detained Senator Leila de Lima kay Pangulong Rodrigo Duterte na tanggalin sa puwesto si Cam dahil sa umano’y pagkamal ng higit 500 milyon piso ng kwestiyonableng yaman matapos siyang italaga sa PCSO.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo, iniimbestigahan na ng Office of the Ombudsman si Cam.
Ayon kay Panelo hindi na makikialam ang Malacañang at wala ring balak magsagawa ng sariling imbestigasyon laban kay Cam.
Matatandaang kamakailan lang ay nagsumite ng liham ang isang private complainant na si Lino Espinosa Lim Jr. sa Ombudsman para imbestigahan si Cam dahil sa umano’y hindi idineklarang ari-arian sa kanyang Statement of Assets Liabilities and Net worth o SALN sa taong 2017 at 2018.
Kabilang na rito ay isa umanong beach resort, dalawang lupa sa San Fernando, Masbate at limang lupa sa Matabao Island sa Batuan.