Panelo: Protesa kontra Tsina ihahain 'kung totoong nanghaharass'
MANILA, Philippines — Handa raw ang Palasyo na maghain ng diplomatic protest laban sa Tsina kung mapatunayang "inaapi" pa rin ang mga Pilipino sa Panatag Shoal (Scarborough Shoal).
Ito'y matapos magpaskil ng dokumentaryo ni Makabayan senatorial candidate Neri Colmenares tungkol sa diumano'y panibagong panggigipit ng Chinese coast guard sa mga mangingisdang Pinoy.
Idinetalye rito ng dalawang mangingisda kung paanong kinukuha raw ng mga Tsino ang kanilang huli at itinataboy mula sa lugar.
"They have to show proof that's being done now again. Because if that's being done, certainly we will protest. We will not allow our countrymen to be subjected to that kind of harassment," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo patungkol sa video.
Sa pagkakaalam daw kasi ng Palasyo, hindi na ito nangyayari sa kasalukuyan.
Aniya, gumawa na raw kasi ng diplomatic negotiation noon ang dalawang bansa patungkol sa isyu.
"Baka yung video [was] taken prior. Kasi may ginawa na tayo diyan eh... Pumayag na nga sila. Hindi na nga sila pinaaalis eh," dagdag niya.
"Basta ang policy is you cannot be harassing our fisherman," ani Panelo.
Paliwanag pa niya, may heneral nang nagsabi sa kanya na tumatakbo pa nga ang ilang mangingisdang Vietnamese sa mga Pilipino dahil hindi sila ginagalaw.
Nang tanungin kung may magagawa ang Pilipinas laban sa mga aksyon ng Tsina, ito naman ang kanyang sinabi: "What I am saying is, tell me. Has any arbitral ruling by this international court been enforced previously? Edi kung meron, may pag-asa tayo. Kung wala, sa ngayon wala muna tayo munang magagawa. So pag-usapan na lang muna natin ngayon sa negotiation. Diplomatic muna."
Tinutukoy niya ang pagkapanalo ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration noong 2016.
Dito, binalewala ng Hague-based international tribunal ang nine-dash line claim ng Tsina pagdating sa buong South China Sea.
Kasalukuyang inaangkin ng Pilipinas ang West Philippine Sea, na bahagi ng South China Sea.
Sa kabila nito, nanindigan ang Malacanang igigiit pa rin nila ang pagmamay-ari sa nasabing teritoryo.
"Certainly. That is ours. And the arbitral ruling says it's ours."
Reaksyon ng fisherfolk group
Inudyok naman ng Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas ang administrasyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na iprotesta ang mga panibagong "harassment" na nangyari raw sa Panatag noong ika-13 ng Marso.
"The Duterte government has all the reasons to denounce this Chinese aggressive and hostile act against Filipino fishers," sabi ni Fernando Hicap, national chairperson ng Pamalakaya.
Matapos daw kasing harangan kamakailan ang mga mangingisdang Pinoy sa Pag-asa Island, balik na naman daw kasi ang Chinese coast guard sa pambu-"bully" sa Scarborough Shoal.
"The Filipino public and the international community are expecting a decisive action from the Philippine government to address this ongoing Chinese usurpation and to make the Filipino fisherfolk back to their livelihood," sabi ni Hicap.
Nauna nang nagpahayag ng suporta ang kanilang grupo sa inihaing reklamo o "communication" nina dating Foreign Affairs Secretary Alberto del Rosario at dating Ombudsman Conchita Carpio Morales laban kay Chinese President Xi Jinping sa International Criminal Court.
Gayunpaman, hindi miyembro ang Tsina ang ICC.
- Latest