^

Bansa

Lider Dumagat: Pahintulot namin 'di kinuha para itayo ang Kaliwa Dam

Philstar.com
Lider Dumagat: Pahintulot namin 'di kinuha para itayo ang Kaliwa Dam
Kaliwa River sa probinsya ng Rizal na pagkukunan ng tubig ng dam.
MWSS website

MANILA, Philippines — Inireklamo ng isang lider katutubo ang hindi raw pagkuha ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System ng kanilang pahintulot sa pagtatayo ng $231.59 milyong New Centennial Water Source — Kaliwa Dam sa probinsya ng Quezon.

Kinastigo ni Marcelino Tena, presidente ng Samahan ng mga Katutubong Agta/Dumagat, ang water regulator dahil sa di raw pagkuha ng kanilang "free, prior and informed consent."

"Sabi nila kinikilala ang FPIC sa mga katutubo at dapat kumatok sa tahanan bago pumasok sa aming lugar, pero ang nangyayari ngayon hindi na eh, binabraso na kami, hindi lang pati braso tadyak na pati ang ginagawa samin," sabi ni Tena sa "On The Record" ng CNN Philippines.

Aabot daw sa 10,000 katutubong Dumagat ang masasagasaan nito.

"Nung ipinasok ang programang centennial dam na 'yan sa Kaliwa, hindi nila dinaan sa tamang proseso ang FPIC.. nagsuri sila ng tubig, nagmarker na agad sa site ng dam, naglagay na ng access road papunta sa site ng dam," dagdag niya.

Ni hindi man lang daw nagbigay ng mga dokumento ang MWSS pagdating sa disenyo ng dam.

"Alangan namang magbigay ako ng FPIC hindi ko alam ang lagay ng dokumento," wika niya.

"Totoong wala po kaming pinag-aralan pero may mga partner po kami na handang tumulong samin kung ano ba 'yung proyekto."

Pinabulaanan naman ng water regulator ang akusasyon ni Tena.

Sa parehong programa, sinabi ni MWSS administrator Reynaldo Velasco na 46 pamilya lang daw ang maaapektuhan ng konstruksyon.

"Marami na kaming series of meeting, pwera pa 'yung dalawang beses akong nagpunta dyan sa Infanta para pag-usapan ang mga problemang ito," ani Velasco.

Hindi pa naman daw naisasapinal ang disyenyo nito sa ngayon. Umaasa silang mailalabas ito pagdating ng Mayo.

Siniguro naman ni Velasco na hindi nila mamadaliin ang proseso nito.

Matatandaang inilutang ng pamahalaan ang Kaliwa Dam bilang alternatibong mapagkukuhanan ng tubig sa gitna ng krisis na tumama sa mga customer ng Manila Water sa ilang bahagi ng Metro Manila at probinsya ng Rizal.

Isinisi ng MWSS ang paghina ng pressure at kawalan ng tubig dahil sa mababang lebel ng tubig sa La Mesa Dam na kumukuha ng suplay sa Angat Dam.

Kanina alas-sais ng umaga, nasa 68.62 metro na lang ang taas ng La Mesa, mas mababa sa critical level na 69 metro.

Bagama't hindi nagkukulang ang tubig sa Angat, kumukuha raw ng suplay ang Manila Water sa La Mesa para matugunan ang mga kakulangan. – James Relativo

INDIGENOUS PEOPLE

KALIWA DAM

MWSS

WATER CRISIS

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with