MANILA, Philippines — Paninindigan ng Ang Probinsyano Party-list (AP-PL) ang pagiging ‘festival capital” ng buong mundo ng Pilipinas sa oras na maupo ito sa House of Representatives.
Ayon sa AP-PL, araw-araw ay may piyestang ipinagdiriwang sa iba’t-ibang barangay sa bansa ngunit kaunti ang kaalaman sa pinagmulan ng mga ito.
Dahil dito, sinabi ni Alfred Delos Santos, nominee ng AP-PL, na kabilang sa mga batas na isusulong ng kanyang party-list ay ang pangangalaga ng kasaysayan at kultura.
Iginiit ni Delos Santos na mahalaga ang papel ng mga piyesta sa pagbuo ng pambansang kamalayan.