MANILA, Philippines — Inabisuhan ng Bureau of Immigration ang publiko laban sa mga diumano'y "online love scams" na talamak sa internet.
Ayon kay BI spokesperson Dana Krizia Sandoval, karaniwang target ng mga sindikato ang mga Pinay.
Modus daw ng grupo ang pagpapakilala bilang dayuhan sa mga Pilipinang nakikilala online. Pagkatapos, makikipagkaibigan at manliligaw na raw ito.
Padadalhan pa raw ng mga regalo ang babae at kanyang pamilya para makuha ang kanilang loob.
"These scammers pretending to be foreign nationals would usually arrange a meet-up, and make it seem like they are flying in to the Philippines," wika ni Sandoval.
Pero ang totoo, mauuwi lang sa pangingikil ang pekeng pag-ibig na inilalako sa biktima.
"Upon their supposed arrival, the victim will receive a call from someone pretending to be an Immigration officer, explaining that the foreign national is in trouble and demanding that money be sent right away.”
Huwag magbibigay ng pera
Para sa mgasasadlak sa nasabing sitwasyon, inilinaw ng BI na hindi nila polisiya ang ganitong gawi.
Labag daw sa kanilang panuntunan ang paghingi ng pera kaninuman.
"Immigration officers are not authorized to make the first contact to non-passengers during their tour of duty. It is even more illegal to demand money from anyone," sabi ni Sandoval.
Para sa mga dayuhang hinaharang ng BI, dine-detain lang daw ang mga ito at pinababalik sa kanilang "port of origin."
Mga kaso sa Cebu
Una raw naitala ang ginagawa ng sindikato sa Cebu hanggang sa lumipat na ito sa Maynila.
Saglit naman daw itong natigil nang mailathala sa media taong 2015 ngunit nangyayaring muli sa Cebu kamakailan.
“We heard of a victim paying as much as P40,000 to the scammer, and she only started doubting the story when he asked for another P60,000,” sabi ni Sandoval.
Nakatanggap din daw muli ng sumbong ang kanilang tanggapan nitong Lunes matapos pagbayarin ng P18,000 ang isang biktima para sa pekeng kalayaan ng dayuhan.
Nang beripikahin nila ito, hindi naman daw nag-eexist ang nasabing foreigner.
"As these fraudulent activities are becoming noticeably numerous, the BI strongly warns the public of such motives, especially from Internet acquaintances," sabi ni Jaime Morente, commissioner ng BI.
“Exercise vigilance to avoid being victimized.”
Inabisuhan ng bureau ang mga masasadlak sa nasabing sitwasyon na alamin ang eksaktong lokasyon ng paliparan at flight number ng pasahero upang malaman kung totoo o hindi ang kaso.
Maaari naman daw tumawag sa hotline ng BI na (02) 465-2400 o sa immigration office ng airport para sa verification.
Makikita naman daw ang listahan ng numero sa kanilang website.