MANILA, Philippines — Nanawagan sa Metropolitan Waterworks and Sewerage System at kay Pangulong Rodrigo Duterte ang isang kandidato na suspindihin ang pag-iissue ng bill ng Manila Water sa mga apektado ng water interruptions.
Giit ni Makabayan senatorial bet Neri Colmenares, itigil ito hanggang maibalik ang buong serbisyo sa mga customer.
Related Stories
"Walang tubig? Dapat walang koleksyon," sabi ni Colmenares sa Ingles.
Kanina, nagsagawa ng "paid under protest" action sina Colmenares at ang Bayan Muna sa isang bayad center ng Manila Water bilang pakikiisa sa mga apektadong consumer.
Dagdag ni Colmenares, mauudyok ng pag-aantala ng billing ang Manila Water na pabilisin ang pagbabalik ng sebisyo ng tubig.
"Higit sa lahat, hindi tayo pedeng pagbayarin sa serbisyong hindi naman dumarating," wika ni Colmenares, na dati ring nilabanan ang petisyon ng Manila Wala at Maynila na magtaas ng singil.
Payo nila, maaaring ilabas ang utos sa pamamagitan ng pangulo o ng MWSS. Insulto na raw sa mga umaaray na taumbayan kung pagbabayarin pa sila sa ngayon.
Una nang binantaan ni Duterte na kakanselahin ang kontrata ng Manila Water at Maynilad kung hindi aayusin ang kanilang serbisyo.
Tinitignan na rin daw ni Duterte kung may mga masisisanteng opisyal ng MWSS dahil sa krisis.
Civil suit
Ayon sa kanilang grupo, maaring humarap sa sari-saring civil suit ang Manila Water mula sa mga naperwisyong customer.
Patung-patong na raw ang mga reklamo 'di lang dahil sa kawalan ng tumatakbong tubig.
"Apektado na ang mga negosyo't kabuhayan kasama ang mga restawran, palabahan at iba pang small and medium enterprises. Kung hindi sila magpapaiksi ng oras ng operasyon, bibili sila ng mas mahal na tubig o pansamantalang magsasara," ani Colmenares.
Inabusuhan naman ng militanteng kandidato ang mga nasa silangan ng Kamaynilaan na idokumento ang mga kaganapan at epekto nito sa kanilang trabaho.
"Pwedeng gamiting ebidensya ang mga 'yan sa civil action at maging sa class action suit laban sa iresponsableng kumpanya."
Haharap sa parusa
Matatandaang sinabi ng Manila Water na nangyari ang krisis bunsod ng mababang lebel ng tubig sa La Mesa Dam at pag-iimbak ng tubig ng publiko bilang tugon sa nakaambang kakulangan.
Umamin naman si Manila Water president at CEO Ferdinand dela Cruz na lumabag sila sa concession agreement at maaaring mapatawan ng parusa.
"Tingin ko hindi natin maikakaila na may paglabag sa [pagbibigay ng] 24/7 na serbisyo dahil nadama ito ng taumbayan. May prescribed penalty para rito kung hindi ito maaayos sa loob ng 15 araw, 60 araw at 150 araw," ani Dela Cruz sa Ingles nitong Lunes.
Nangyari ang nasabing pag-amin matapos sabihin ng MWSS na wala silang kapangyarihang magpataw ng multa at parusa sa mga water concessionaire bilang regulatory office.
Paglilinaw ni MWSS chief regulator Patrick Ty, maaari daw maapektuhan ang tariff adjustment ng mga lalabag sa 2022 alinsunod sa concession agreement.