AS OF 11 A.M. | Pagbaha, landslides dahil sa LPA

Binabantayan pa rin ang LPA na dating tropical depression Chedeng.
PAGASA website

MANILA, Philippines — Kahit wala nang tropical cyclone warning signal sa Mindanao, pinag-iingat pa rin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration ang publiko sa pagbaha at pagguho ng lupa.

Binabantayan pa rin ang LPA na dating tropical depression Chedeng.

Kaugnay nito, itinaas ang Yellow Warning Level sa mga sumusunod na lugar:

  • Davao Oriental
  • Compostella Valley
  • Davao del Norte
  • South Cotabato
  • Sultan Kudarat
  • Lanao del Norte

Makararanas ng mga katamtaman hanggang malakas na pag-ulan sa mga nasabing lugar sa susunod na tatlong oras.

"Meron tayong babala doon na posible itong magdulot ng pagbaha sa mga mababang lugar at 'yung mga malapit po sa ilog. And possible din yung landslides doon sa mga mountainous areas," banggit ni Benison Estareja, weather specialist ng DOST-PAGASA.

Natagpuan ang sama ng panahon sa Lake Sebu, South Cotabato kaninang alas-10 ng umaga.

Inaasahang tatawid ito sa rehiyon ng Soccsksargen sa mga susunod na oras.

Tinutumbok na rin daw nito ang Bangsamoro region at Zamboanga Peninsula.

Nakataas pa ang gale warning sa eastern seaboards ng Eastern Samar, Leyte, Souther Leyte, Dinagat, mga probinsya ng Surigao, Davao Oriental, Davao del Sur at Davao Occidental.

Aabot pa rin daw ng hanggang sa 4.5 metro ang taas ng mga alon sa mga nasabing lugar sabi ng PAGASA.

"Bawal pa rin ang maliliit na sasakyang pandagat," dagdag ni Estareja.

Show comments