MANILA, Philippines — Aminado ang National Disater Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na hindi madali magsagawa ng cloud seeding kahit pa ito ang nakikitang solusyon para maibsan ang matinding epekto ng El Niño sa ilang bahagi ng bansa.
Ayon kay Director Edgar Posadas, tagapagsalita ng NDRRMC, na maraming dapat ikonsidera sa cloud seeding o ang proseso para ilagay ang isang substance tulad ng asin sa ulap para pilitin magkaroon ng ulan.
Inihalimbawa dito ni Posadas ang presensya ng mga seedable clouds o yung maaaring pagtaniman na ulap, paglalagay ng asin sa mga ulap, at ang availability ng eroplano na gagamitin.
Sa kabila nito itinakda na simula pa noong Marso 14 hanggang 21 ang cloud seeding operations na aabot sa P18.3 milyon na kukunin mula sa budget ng Department of Agriculture o DA na ibinigay sa mga regional office na posibeng nakakaranas na ng tagtuyot.
Ang nasabing programa umano ay sa pakikipag-tulungan ng DA sa Philippine Air Force at local government units (LGUs).
Base naman sa pinakahuling datos ng NDRRMC, umabot na sa P869 milyon ang naapektuhan ng El Niño habang ang Regions IX, XII, MIMAROPA, at Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao ay idineklara na sa ilalim ng state of calamity.