Tubig sa Angat pinalalabas; Manila Water 'di maparurusahan ng MWSS
MANILA, Philippines — Iniutos na ng Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapakawala ng tubig mula sa Angat Dam para maibsan ang nararanasang krisis sa tubig.
Inilabas ng Palasyo ang pahayag sa gitna ng kawalan ng suplay ng tubig sa Kalakhang Maynila at probinsya ng Rizal.
Kaugnay nito, inatasan ni Duterte ang Metropolitan Waterworks and Sewerage System na obligahin ang Manila Water Company Inc., Maynilad Water Services at iba pang tanggapan upang gawin ito.
Kailangan daw mailabas ito sa loob ng 150 araw.
[R]elease water from Angat Dam by noon time today, March 15, good for 150 days, in order to supply the affected areas in Metro Manila and deliver, as well as distribute sufficient water to the residents thereof," sabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo, Biyernes.
Mula kasi sa Angat Dam, umaagos ang tubig sa Ipo Dam papunta La Mesa Dam bago magtungo sa treatment plant ng Manila Water.
Kumukuha mula sa La Mesa ang Manila Water para matugunan ang kakulangan ng suplay.
Nasa 68.72 metro ang lebel ng tubig kaninang umaga sa La Mesa, mas mababa sa 69 metro na critical mark. Nangyari raw ito dahil sa hindi pag-ulan ngayong mainit ang panahon.
Ani Panelo, hindi naman daw bingi ang presidente sa paghihirap ng mga taga Metro Manila. Babala ng Malacañang, parurusahan ang sinumang susuway sa utos.
"Failure to act or comply with this directive, the President will personally go to them and make the responsible officers account for such failure," sabi ni Panelo.
Naitala ang 199.25 metrong water level sa Angat Dam kaninang alas sais ng umaga.
Bagama't 212 metro ang "normal high water level" ng Angat ay 180 metro pa naman ang tinatawag na critical level nito.
Nakararanas ngayon ng water service interruption ang mga customer ng Manila Water sa east concession zone simula noong nakaraang linggo pa.
Sa kabila ng utos, sinasabing ang National Water Resources Board ang nagkokontrol sa gamit ng Angat Dam.
MWSS 'hindi kayang magparusa'
Sa kabila ng mga nangyayaring gusot sa suplay, iginiit ng MWSS na wala silang kapangyarihan upang magpataw ng parusa.
"Unfortunately, based on the concession agreement, the MWSS R.O. (regulatory office) is not authorized to issue penalties or fines against Manila Water for the current situation," ayon kay MWSS chief regulator Patrick Ty sa press briefing nitong Biyernes.
Aniya, matagal na nilang ipinapanawagan ang pagkakaroon ng Water Regulatory Commission at Department of Water para masolusyunan ito pero patuloy pa rin daw itong 'di naipapasa sa Kongreso.
"There is no provision for us, it does not authorize us or empower us, to issue fines and penalties. That is the unfortunate situation we have right now," dagdag niya.
"Maybe after this incident, this problem, after we resolve this, maybe the Department of Water of the Water Regulatory Commission would finally be passed or implemented."
Iginiit din ni Ty na paghahanap ng panibagong pagkukunan ng tubig ang tunay na pangmatagalang solusyon sa problema.
Ilan sa mga nauna nang tinukoy na maaaring kunan ng tubig ay ang konstruksyon ng Kaliwa at Laiban Dam.
'Bukas naman'
Samantala, pinasinungalingan naman ni Ty na may pananabotahe sa suplay ng tubig.
Aniya, bukas naman daw at ginagamit ang lahat ng waterways sa sistema ng Angat, Ipo at La Mesa dam.
Kumalat kasi ang alegasyon kamakailan na isinarado raw ang "bypass" ng tubig.
Kahit na marami pa ang tubig ng Angat, sinabi ni Ty na limitado lang ang tubig na kayang padaanin sa imprastruktura: 4,000 million litro kada araw.
Ang 4,000 MLD na ito, paghahatian pa ng Manila Water at Maynilad.
Mula rito, 1,600 MLD (40 porsyento) ang napupunta sa Manila Water habang 2,400 MLD (60 porsyento) sa Maynilad.
Itinanggi naman niyang gawa-gawa o artipisyal ang water shortage.
"Where will you hide the water?" wika niya.
"There's no sabotage. All these conspiracy theorists... Let's not add fuel to the fire."
- Latest