Mga mangingisda umaaray na sa El Niño, humihirit ng ayuda
MANILA, Philippines — Hindi ligtas mula sa hagupit ng El Niño ang mga mangingisda, dahilan para humiling ng tulong ang Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas mula sa pamahalaan.
Sa Manila Bay, tatlong kilo na lang daw kada biyahe ang nahuhuli nila mula sa karaniwang pito hanggang 10 kilo.
"Nagtitiis sa papaonting huli ang mga mangingisda dahil sa El Niño," ayon kay Ferando Hicap, national chairperson ng Pamalakaya, sa Ingles.
Aniya, mas mahirap manghuli tuwing ganitong panahon dahil lumilikas ang mga isda sa mas malalalim na katawang tubig para maghanap ng malamig na temperatura.
"Madalas, yung lambat na maiuuwi walang laman," dagdag ni Hicap, na mangingisda rin sa Manila Bay.
Maliban dito, nagsisimula rin daw ang tagtuyot ng malakihang fish kill at red tide na nakasasagabal sa pangingisda.
Bagsak presyo sa isda
Sa Laguna de Bay naman, "all time low" na raw ang farm gate price bunsod ng matinding init.
Mula sa dating P50 per kilo, bumagsak na raw sa P20 ang farm gate price ng tilapia — halos 40 porsyentong pagbulusok.
Sa bangus, P50 na raw ang farm gate price mula sa dating P70 per kilo — halos 71 porsyentong pagbaba.
"Tuwing 'dry spell,' naglalasang lupa ang isda sa Laguna de Bay kasi pumapailalim sila sa lawa, dahilan para bumagsak ang farm gate price dahil mababa ang consumer demand sa mga isda tuwing ganitong panahon. Lalo nitong napabababa ang kitang inuuwi ng mga mangingisda sa mga pamilya nila," paliwanag ni Ronnel Arambulo, coordinator ng Pamalakaya sa Laguna de Bay.
Nananawagan ang Pamalakaya sa Department of Agriculture at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na magbigay ng agarang tulong at subsidyo sa mga mangingisdang apektado.
"Ginugutom ng El Niño ang mga nasa kanayunan lalo na yung mga mangingisda't magsasaka dahil sila ang direktang nasasagasaan ng mahabang dry spell," ani Hicap.
Dagdag niya, kailangan daw gamitin na ang calamity fund para maipagpatuloy ang produksyon.
'Gumagawa na ng paraan'
Samantala, sinabi naman ng BFAR ngayong Biyernes na gumagawa na sila ng paraan upang mapahupa ang hagupit ng El Niño sa fisheries sector.
"Layunin naming tugunan ang papalalang problema sa pamamagitan ng paghihikayat sa mga mangingisda at iba pang fisheries stakeholders na magsagawa ng El Niño 'mitigating measures,'" sabi ni BFAR Director Eduardo Gongona nitong ngayong Biyernes.
Ilan sa mga hakbang na maaari raw gawin ang pagsunod sa inirekomendang stocking rate at pagpapakain sa fish farms para maiwasan ang fish kill, pagpapalalim sa mga fishpond sa 1.0 hanggang 1.5 metro sa pamamagitan ng tidal intrusion, paggamit ng water re-circulating system, paggamit ng mga isda na tolerant sa "salinity" at disease management.
Dagdag ni Gongona, nagsasagawa na rin ng government intervention ang DA-BFAR na maaaring kunin ng mga apektadong fish farmers at fisherfolk.
Ilan na raw diyan ang:
- pagbibigay ng livelihood assistance sa fisherfolk communities
- input assistance tulad ng seaweed seedlings, tilapia fingerlings, oyster rafts
- Fish Health Laboratory Services (water quality analysis, fish disease diagnosis/treatment at technical assistance)
- pagpapaunlad ng climate-resilient tilapia farming
- pagme-"mainstream" ng intensive tilapia fingerling production
- bangus fry/fingerling sufficiency projects (satellite hatcheries, repairs of Technology Outreach Stations at legislated hatcheries)
- technical trainings at assistance
- pakikipagtulungan sa DOST-PAGASA at UN FAO para sa "capacity building" pagdating sa aquaculture meteorology
"Mino-monior na ng DA-BFAR ang aquaculture areas at coastal communities sa Western-sea board areas na prone sa epekto ng El Niño. Ang ahensya, sa isang banda, ay naninindigan na iba-iba ang epekto nito sa aquaculture depende sa species at farming systems," dagdag ng pahayag.
Ayon sa report ng BFAR Inland Fisheries and Aquaculture Division, hindi naman daw gaano kabulnerable sa El Niño ang tilapia farming systems at fish cage operations ng bangus pero maaaring maapektuhan ng "pond-based hatcheries" at nursery operations.
- Latest