^

Bansa

2 labor candidates idinagdag ng Makabayan sa senatorial lineup

James Relativo - Philstar.com
2 labor candidates idinagdag ng Makabayan sa senatorial lineup
Pormal nang isinama sina Bukluran ng Manggagawang Pilipino chair Leody de Guzman at Federation of Free Workers president Sonny Matula sa noo'y siyam lang na slate.
Facebook/Defend Job Philippines

MANILA, Philippines — Umabot na sa 11 ang kandidatong susuportahan sa pagkasenador ng militanteng Makabayan Coalition sa 2019 midterm elections.

Pormal nang isinama sina Bukluran ng Manggagawang Pilipino chair Leody de Guzman at Federation of Free Workers president Sonny Matula sa noo'y siyam lang na slate.

Nangyari ang proklamasyon nang kumpirmahin ni Makabayan president Satur Ocampo ang endorsement ng dalawa sa Quezon City Sports Club Huwebes ng umaga.

"Ang dalawang batikang unyonistang ito ay subok na sa pagtatanggol at pag-gigiit sa karapatan ng mga manggagawa at sa kilusang unyon," sabi ng Makabayan sa isang pahayag.

Ayon kay Makabayan Coalition secretary general Nathanael Santiago, makakukuha ang 11 senatorial bets ng suporta mula sa tatlo hanggang apat na milyong voter base ng Makabayan.

Sinabi naman ni Makabayan candidate Neri Colmenares makatutulong ang pagdadagdag kina Matula at De Guzman sa roster para palakasin ang kanilang kampanya sa pagsisiguro ng job security at pagtataas ng sahod.

"Kasama natin sila sa pagsisikap na makamit ang nakabubuhay na sahod at benepisyo ng mga manggagawa, partikular ang pagtaas at pagiging parehas ng minimum na sahod sa buong bansa; sa pagtaas ng pensyon ng mga retirado; sa pakikibaka laban sa kontraktwalisasyon at para gawing regular ang milyun-milyong mga kontraktwal; sa pagbibigay proteksyon sa ating mga OFW; at sa paggigiit ng karapatan sa pag-uunyon, collective bargaining at pagwelga," dagdag ng grupo.

Una na nang nagpahayag ng suporta ang grupo sa kandidatura nina Neri Colmenares, Bam Aquino, Nancy Binay, Chel Diokno, Samira Gutoc, Florin Hilbay, Serge Osmeña, Grace Poe, at Erin Tañada.

Nagkakaisa ang Makabayan sa mga sumusunod na agenda:

1. Suspindihin o i-repeal ang probisyon sa excise tax ng TRAIN Law
2. Tiyakin ang seguridad sa trabaho at itaas ang sahod at kita ng mga manggagawa at magsasaka
3. Tutulan ang Charter Change at mga katulad na makasarili at kontra-Pilipinong amyenda sa Konstitusyo
4. Itaguyod ang karapatan ng mga kababaihan,  karapatang pantao at due process para sa lahat
5. Igiit ang soberanya at karapatan sa West Philippine Sea
6. Ipagpatuloy ang usapang pangkapayapaan sa pagitan ng gobyerno at National Democratic Front of the Philippines

Ilan daw 'yan sa isusulong nila para itaguyod ang "independent" at "pro-people" na Senado.

Dati nang sinabi ni Makabayan Coalition vice president Teodoro Casiño na bukas silang maidagdag sina De Guzman at Matula sa listahan.

Masalimuot na tunggalian, makasaysayang pagsasama

Bagama't pare-parehong tumutungtong sa platapormang pumapabor sa uring manggagawa, mahabang panahong nagkawatak-watak at hindi magkasundo ang kilusang paggawa sa Pilipinas.

Dekada na ang nagdaan nang mangyari ang biyakan sa loob ng Kaliwa, dahilan para mahiwalay sa pambansa-demokratikong kilusan ang mga gaya ni Popoy Lagman na nagtayo ng Sanlakas at BMP.

Nagmula sa BMP si De Guzman habang nasa iisang political bloc si Colmenares at ang Kilusang Mayo Uno.

Ilan sa mga susing debate ng dalawang magkaribal na kampo ay ang suri sa lipunang Pilipino: kung mala-piyudal o kapitalista na ang Pilipinas.

Mahihinuha sa pag-endorsong ito ang kaisahan sa pagitan ng Partido Lakas ng Masa (partido pulitikal ni De Guzman) at Makabayan Coalition.

Kaalyado ng Makabayan Coalition ang Makabayan bloc sa loob ng Kamara na binubuo ng iba't ibang progresibong party-list.

"Umaasa kaming sa pamamagitan ng pag-endorsong ito, makakaambag ang Makabayan sa pag-usbong ng isang koalisyon ng mga kandidato mula sa hanay ng mga independent at oposisyon na makapagbibigay sa ating mamamayan ng pag-asang maitaguyod ang isang Senadong malaya at para sa bayan," ayon sa Makabayan.

Sa kanyang acceptance speech, sinabi ni De Guzman na malaki ang responsibilidad na nakaatang sa balikat ng mga "progressive candidates" ngayong 2019. 

Aniya, nasa mga kandidato ng administrasyon ang popularidad at "makinarya ng Office of the President" habang hindi raw isinusulong ang interes ng taumbayan.

"Gusto lang nilang manatili ang kasalukuyang kalagayan ng mga tao kahit na nagkakandakuba na sa pagtratrabaho mairaos lang ang kanilang araw," ani De Guzman.

"Hindi ko matago ang aking nadarama kada may nakakaharap akong bago at marinig mula sa kanila ang kanilang kalagayan at epekto ng iba’t-ibang polisiya ng gobyerno at paano sila umaangkop. Alam kong saglit lang ang oras kong magpakilala at ilahad ang aking plataporma pero ginagarantiya kong makapag-iwan ako ng mensahe ng pagasa, ng pakikiisa at ng pakikibaka."

Pare-parehong nasa loob ng koalisyong Labor Win sina Colmenares, De Guzman at Matula kasama sina labor lawyer Allan Montaño at National Confederation of Labor head Ernesto Arellano.

2019 MIDTERM ELECTIONS

MAKABAYAN COALITION

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with