La Mesa dam level pinakamababa sa loob ng 21 taon
MANILA, Philippines — Naitala ang pinakamababang lebel sa La Mesa dam ngayong umaga sa loob ng 21 taon.
Nasa 68.74 metro na ito ngayon, mas mababa sa critical level na 69 metro ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration alas sais ng umaga ngayong Huwebes.
Ayon sa website ng PAGASA, 80.15 ang "normal high water level" ng dam.
Mas mababa ng 11.41 metro sa normal na lebel ang taas ng tubig sa nasabing dam ngayon.
“Ibig sabihin niyan, ito na nga ang historical na pinakamababang antas ng tubig sa La Mesa Dam. May kakulangan na din talaga. Nagkaroon ng malaking kakulangan sa La Mesa Dam,” sabi ni PAGASA hydrologist Sonia Serrano sa Radyo Inquirer nitong Huwebes.
Nasa 68.79 metro ito kahapon sa parehong oras.
Una nang tinukoy ng Manila Water ang mababang lebel ng La Mesa dam bilang sanhi ng water service interruption, kahit na 97 porsyento ng suplay ang kinukuha sa Angat dam.
Gayunpaman, sinabi na lang ng Manila Water kahapon na nagkakaroon ng water service interruption dahil sa "operational adjustments."
Kahapon, sinabi ni Department of Finance Secretary Carlos Dominguez III na malaki sana ang maitutulong ng Kaliwa dam para mabawasan ang problema sa tubig.
"Absolutely. Had [the dam] been done before the water crisis, this had been much less serious or much less of a threat," sabi niya sa reporters kahapon.
Magkakahalaga ito ng P12.2 bilyon para itayo, na may 85 porsyento ng pondo na magmumula sa utang galing Tsina.
- Latest