Deployment ng OFWs binawasan
Labor advocate nabahala
MANILA, Philippines — Ikinabahala ng Lilac Center for Public Interest ang desisyon ng Department of Labor and Employment na bawasan ng 90% ang deployment ng manggagawa partikular ng mga karpintero, welders, plumbers at mga electrician sa ibang bansa.
Ayon sa grupo, kung nais ni Labor Secretary Silvestre Bello III na mapunan ang mga trabahador sa “build, build, build” program ng pamahalaan, dapat pagtuunan ng pansin ng kalihim ang 3.34 milyong under-employed workers sa sektor ng serbisyo at ang 2.3 milyon na tambay o walang trabaho at hindi yaong mga skilled workers.
Giit ng Lilac, kung pipigilan na makapangibang-bansa ang 90% ng mga manggagawang Filipino, mapupuwersa sila na gumamit ng mga iligal na paraan upang makalabas ng Pilipinas na magreresulta sa pagdagsa ng mga illegal OFWs.
Sabi naman ni dating Labor Undersecretary and spokesman Nicon Fameronag, sa halip na ipatupad ang labag sa batas na polisiya dapat ay tugaygayan ng DOLE ang mga kumpanyang nag-e-empleyo ng mga Chinese o iba pang dayuhan at alamin kung talagang walang manggagawang Filipino na tumutugon sa rekisito ng trabaho.
Nanawagan din si Fameronag sa DOLE at Bureau of Immigration na magsagawa ng inventory sa bilang ng mga Chinese workers na dahilan ng pagkawala ng trabaho ng mga Filipino saka sila ipatapon pabalik sa kanilang bansa.
- Latest