MANILA, Philippines — Pagtatayo ng ospital para sa mga OFW at mga kaanak nito ang isa sa napakaraming programang uunahin ni dating Sen. Bong Revilla sakaling makabalik sa Senado.
Sinabi ni Revilla sa kaniyang talumpati sa Lucena na dinaluhan ng libu-libong supporter sa ginanap na pagtitipon ng Hugpong Ng Pagbabago (HNP), na matagal na niyang ‘priority’ ang pagtatatag ng nasabing ospital upang maibsan ang paghihirap ng mga OFW maging ang kanilang mga kaanak sa tuwing magkakaroon ng karamdaman.
Patunay rito aniya ang mga panukalang kanyang ipinaglaban mula nang siya ay manungkulan bilang senador.
Maging ang mga OFW na hindi nakapag-ipon ay tila nabalewala ang pagsisikap sa ibang bansa dahil maging sila ay nakapila kung saan-saang ospital para makapagpagamot lamang ng libre.
“Mayroon tayong Veterans’ Hospital para sa ating mga buhay na bayani. Bakit wala tayong OFW Hospital para sa mga bagong bayani na nangangailangan din ng pagkalinga at importansiya?,” sentimyento ni Revilla.
Tiniyak ni Revilla na sakaling makabalik sa Senado ay matutupad na ang matagal ng pangarap na ito ng ating mga OFW.