Krisis sa tubig buong summer
La Mesa dam nasa critical level na
MANILA, Philippines — Mararamdaman sa buong summer ang mahina hanggang sa walang suplay ng tubig sa mga water consumers ng Manila Water sa Metro Manila at mga bayan sa Rizal province.
Ito ay ayon kay Dittie Galang, Manila Water Communications Manager, dahil sa patuloy na pagbaba ng water level sa La Mesa dam.
Anya, hanggat walang nararanasang pag-ulan sa Metro Manila ay patuloy na mararanasan ang kakapusan sa suplay ng tubig.
Samantala, nasa critical level na ngayon ang La Mesa dam.
Ito ay makaraang makapagtala ang dam ng 68.93 meters ng tubig kahapon ng umaga. Ang critical water level ng La Mesa Dam ay 69 meters.
Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Service Administration, hindi karaniwan ang patuloy na pagbaba ng level ng tubig sa La Mesa dam dahil sobrang aga ng pagbaba ng water level ng tubig dito kung ikukumpara sa kaparehong period ng nagdaang taon.
Sinabi ni Jason Bausa ng PAGASA na, batay sa ulat ng Manila Water, patuloy ang pagbaba ng water level sa La Mesa dam dahil sa mataas na demand sa tubig ng mga taga-Metro Manila dulot ng mainit na panahon.
Pinawi naman ni Bausa ang pangambang kakapusan sa suplay ng tubig sa kalakhang Maynila.
Anya, hindi dapat mag-aalala sa kawalan ng tubig ang mga residente sa Metro Manila dahil ang 97 percent ng suplay ng tubig ng kalakhang Maynila ay mula sa Angat dam.
Kahapon, ang Angat dam ay may 200.59 meters ng water level na umaabot sa 212.00 meters ang normal water level ng dam.
Samantala, posibleng gumamit ng cloud seeding ang gobyerno kapag nagpatuloy ang nararanasang water crisis sa iba’t-ibang panig ng bansa partikular sa Metro Manila.
Sinabi ni Presidential Spokesman Salvador Panelo sa media briefing kahapon sa Malacañang na gagawin ng gobyerno ang lahat ng paraan upang mabigyan ng solusyon ang naturang problema sa water crisis.
Ayon kay Panelo isa umano sa mga posibleng gawin ng pamahalaan ay ang cloud seeding para magkaroon ng ulan.
Nanawagan naman si Panelo sa mga kinauukulan na pagbutihin ang pagpapalabas ng mga water advisories sa mga konsyumer upang makapaghanda sa pagkawala ng serbisyo ng tubig sa kanilang mga lugar.
Kaugnay ng krisis sa tubig na nararanasan sa ilang bahagi ng bansa, binalaan kahapon ng Department of Health ang publiko hinggil sa mga sakit na ibubunga ng sitwasyong ito.
Sinabi ni DOH Undersecretary Eric Domingo na ang madalas na kakulangan sa tubig ay maaaring magdulot ng iba’t-ibang sakit na may kaugnayan sa kakapusan ng sanitasyon tulad ng maling paghahanda ng pagkain.
Para anya maiwasan ang mga sakit, konserbahin ang malinis na tubig, unahin ang malinis na tubig para sa konsumo nito at panatilihin ang kalinisan.
- Latest