Babae layuan n’yo ang mga pari - Digong
MANILA, Philippines — Nagbabala si Pangulong Duterte sa mga kababaihan na huwag lalapit sa mga pari dahil lalaki pa rin ang mga ito na may pangangailangang kamunduhan.
Ginawa ng Pangulo ang payo sa mga kababaihan sa isang event sa Victoria City noong Biyernes.
“Dapat iwasan ng mga babae na mapalapit sa mga pari dahil, kapag malapit ka sa kanya, aamuyin lang niya ang iyong bango. At kapag nakorner ka niya sa simbahan, patay ka, liligawan ka niya. Alam n’yo bakit? Dahil isa siyang lalaki,” wika ng Pangulo sa salitang Bisaya.
Sinabi ng Pangulo na kahit alagad ng simbahan ang mga pari ay meron ding ari ang mga ito at may makamundong pagnanasa pa rin kaya dapat mag-ingat pa rin ang kababaihan.
“Binigyan siya ng Diyos ng isang ari. Ano ang gagawin niya diyan? Ikikiskis ba niya iyan sa pinto tuwing umaga? Diyan nagkamali ang Diyos, hindi tayo. Nilikha niya ang paraiso. Nilikha niya si Adan. Sapat na iyon dahil lalaki siya. O maaaring magdagdag siya ng mga lalaki para magpatayan sila kung hindi sila magkasundo sa dapat gawin,” giit pa ng Pangulo.
“Pero nilikha niya ang babae. Merong vagina ang babae. Eh di wala na, tapos. Totoo yan. Prangkahan. Hindi ako nagbibiro. Di ba? Kung hindi niya nilikha ang babae, para saan pa,” dagdag niya.
Kaugnay nito, tinawag ni Duterte na istupido ang mga pari dahil pinasok nila ang isang bokasyong nagbabawal sa kanila na mag-asawa.
“Meron bang matalinong pari? Istupido silang lahat. Kung hindi sila istupido, hindi sila magpapari,” sabi pa ni Duterte na kumuwestiyon sa mga lalaking nagpapari kahit nangangahulugang hindi na sila puwedeng manligaw ng babae.
“Lalaki ka pero pinili mong maging pari. Lagi ka lang tumingin sa magagandang babae na hindi mo maliligawan,” sabi pa niya.
- Latest