MANILA, Philippines — Makatatanggap pa rin ng kanilang buwanang sahod ang mga pulis na nasibak sa kanilang puwesto.
Sinabi ni National Capital Regional Police Office (NCRPO) chief, P/Director Guillermo Eleazar, na hindi maaaring alisin ang sahod ng mga pulis na na-relieve dahil na rin sa “due process” na ipinatutupad ng PNP tulad ng ipinatutupad sa mga korte sa bansa sa mga akusadong kriminal.
Nilinaw ng heneral na magkaiba ang kahulugan ng nasibak sa puwesto at nasibak sa serbisyo. Ang huli ang tuluyan nang mawawala sa PNP at wala na ring suweldo.
Paliwanag ni Eleazar, ang criminal at administrative charges na ihahain laban sa mga tiwaling pulis at ang resulta ng mga imbestigasyon laban sa mga ito ay maaring magresulta sa dimissal o pagkakasibak ng mga ito sa serbisyo.’
Ang mga pulis na nasibak sa puwesto ay inilalagay sa “on-hold” sa Personnel Holding and Accounting Unit (PHAU) ng PNP habang lumalarga ang imbestigasyon sa kanilang mga kaso.
Noong Miyerkules, 27 miyembro ng Pasay City Police-Station Drug Enforcement Unit kabilang na ang isang Police Superintendent ang nasibak sa puwesto dahil sa reklamong “kidnap-for-ransom laban sa kanila habang 15 pulis din ang nasibak sa Eastern Police District dahil naman sa kasong extortion.