MANILA, Philippines — Kasabay ng fire prevention month, isinulong ng One Philippines (OnePh) Partylist ang isang programa na magpapatibay sa pananggalang ng mga barangay laban sa sunog.
Sinabi ni OnePh Partylist nominee Aries “Gabo” Ignacio na maiiwasan ang pagkalagas ng mga buhay at pagkasira ng mga ari-arian kung hindi basta-basta natitinag ng mga sakuna o “disaster-resilient” ang isang komunidad.
Ayon kay Ignacio, panahon na upang bigyan nang kakayahan ang mamamayan na mailigtas ang kanilang sarili sa sunog at iba pang trahedyang maaaring mangyari sa kanilang komunidad, sa pamamagitan ng pagre-require sa mga barangay, gayundin sa mga paaralan, palengke, tanggapan ng gobyerno at iba pa, na magkaroon ng Fire Truck Aide (FTA) System na may kakayahan pigilan ang paglaki ng sunog habang hinihintay ang mga bumbero.
Ang FTA System ay isang set ng mga fire extinguisher na katumbas ng isang fire truck na may kakayahang makaapula o makapigil sa pagkalat ng sunog sa isang lugar.
Makatutulong din ang FTA System sa mga bumbero para maabot ang mga lugar na nasusunog na hindi kayang pasukin ng fire trucks tulad ng mga iskinita.