MANILA, Philippines — Matapos na lumikha ng kalituhan partikular na sa mga pulis na nasa mababang ranggo, balik muna sa dati ang klasipikasyon sa pagbabago ng ranggo ng PNP na unang binago at inihalintulad sa militar.
Sa panibagong memorandum na inilabas ni Police Deputy Director General Camilo Cascolan na may petsang Marso 7, binawi ang unang memo at lahat ng memorandum na may kinalaman sa bagong rank classification.
Nakasaad sa bagong memo na hindi muna ipapatupad ang bagong rank classification hangga’t hindi inilalabas ang Implementing Rules and Regulations (IRR) ng RA 11200 na ipamamahagi sa lahat ng units ng PNP sa buong bansa.
Una rito, sinabi ni PNP Chief P/Director General Oscar Albayalde na mayroong kuwestiyon kung papaano ang gagawing daglat o pagpapaikli (abbreviation) sa mga bagong ranggo
Inihalimbawa pa ng PNP chief ay kung legal bang gamitin ang “PGen.” bilang daglat ng Police General na ranggo ng PNP Chief para maipakita na iba ito sa “General” ng militar.
Nito lang Pebrero 8 ay nilagdaan ni Pangulong Duterte ang RA 11200 na nagsasa-standardize sa pagtawag sa PNP officers sa pamamagitan ng kanilang mga ranggo na ipinareho sa militar.