163M sachet itinatapon sa 'Pinas araw-araw — ulat
MANILA, Philippines — Aabot sa 164 milyong pirasong plastic sachet ang ang itinatapon sa Pilipinas araw-araw, 'yan ang lumalabas sa pag-aaral ng Global Alliance for Incinerator Alternatives (GAIA) na inilabas nitong Huwebes.
Kung susumahin, mahigit-kumulang 59.7 bilyong piraso ng sachets ang naiimbak bilang basura sa bansa taun-taon.
Nakalap ng GAIA ang datos mula sa waste assessment and brand audit na dinevelop ng Mother Earth Foundation.
Aniya, wala pa raw kasing inilalabas na masusing pag-aaral pagdating sa paggawa, pagkonsumo at pagtatapon ng single-use plastics at plastic packaging.
Dito kasi makikita ang ambag ng mga ito sa polusyon.
Ang mga plastic kasi ay itinuturing na non-biodegradable o hindi nabubulok, dahilan para magkalat ang mga ito kung saan-saan nang matagal na panahon.
"For example, there is no data on the total sachet production of companies, which make up a significant portion of throwaway plastics in dumps, waterways, and beaches," ayon sa GAIA.
'Closer look' sa maruming datos
Kung ia-average, aabot sa 591 piraso ng sachet, 174 shopping bags at 163 plastic "labo" bags ang tinatapon ng isang Pilipino sa loob ng 365-365 na araw.
Sa buong bansa, aabot sa 48 milyong shopping bags ang ginagamit araw-araw — katumbas ng 20.6 bilyon taun-taon.
Gumagamit naman ng 45.2 milyong plastic labo bag araw-araw, o 16.5 bilyong piraso taun-taon.
Ang mga diapers na itinatapon? Tatlong milyon araw-araw, o 1.1 bilyon every year.
"These figures show that the sheer volume of residual waste generated daily is beyond the capacity of barangays, cities and municipalities to manage: the problem is the huge amount of single-use plastics being produced, not the way the waste is managed," dagdag ng GAIA.
Sa suporta ng GAIA, nagmula ang study mula sa 21 pinagsama-samang waste assesements na isinagawa ng MEF at mga local government units sa anim na lungsod at pitong munisipalidad sa Pilipinas.
Aabot naman daw sa 50 porsyento ng nalilikhang basura taun-taon ang matatawag na "organic" o nabubulok.
Dagdag nila, patunay lamang ito na mahalagang estratehiya ang organic waste management para mabawasan ang nalilikhang basura sa mga LGU.
Sino ang salarin, dapat panagutin?
Sa pamamagitan ng WABA, layunin ng GAIA na mailantad ang mga korporasyon na may malaking ambag sa pagkalat ng plastic waste.
Gusto rin daw nilang maibunyag kung paano "ipinapasa" ng mga kumpanya, na siyang lumilikha ng basurang 'di nabubulok, ang sisi sa mga consumer.
"More than 50% of all unrecyclable residual waste discarded in the country is branded waste, and only 10 companies are responsible for 60% of all branded waste in the study sites," wika ng GAIA.
Ang masakit pa raw, sa gobyerno pa nila inaasa ang paglilinis nito kahit na sila ang puno't dulo ng problema.
"With the absence of policies mandating liability and accountability for the production of this problematic waste stream, cities and municipalities are left to deal with this problem using taxpayers’ money."
"This highlights the urgent need for interventions that involve manufacturers in taking responsibility for their plastic waste, primarily by drastically reducing production of throwaway plastic packaging."
Payo ng GAIA, magpatupad na ng komprehensibong batas para ipagbawal ang mga plastic bag sa buong Pilipinas at itaguyod ang paggamit ng reusable bags.
"Governments should regulate other single-use plastic products, and mandate companies to redesign products and packaging and put in place alternative delivery systems," sabi nila.
Maliban dito, dapat daw obligahin ang mga kumpanya na gumagawa ng diaper na ayusin ang "recovery options" para sa mga disposable diaper, kung hindi kayang gumawa ng alternatibo.
Dapat din daw ay maging bukas ang mga korporasyon pagdating sa mga ginagawang plastic packaging, maging responsable rito at itigil na ang paglikha ng "throwaway" plastic packaging.
Inudyok din nila ang mga kumpanya na gumawa ng mga innovation at i-redesign ang kanilang mga produkto.
- Latest