MANILA, Philippines — Naghain ng petisyon sa Mandaluyong Regional Trial Court ang Panay Electric Company (PECO) upang kuwestyunin ang ginawang batas ng Kongreso na nagbibigay ng kapangyarihan sa kalaban nitong kumpanya na “kumpiskahin” ang lahat ng mga pag-aari nito sa pagsusuplay ng kuryente sa lungsod ng Iloilo at mga karatig na lugar.
Ayon sa kumpanya, maging ang Saligang Batas ay nilabag ng RA 11212 matapos nitong payagan ang Monte Oro Resources Energy (MORE) na kunin ang mga ari-arian ng PECO na naipundar nito sa halos 100 taon nitong pagsusuplay ng kuryente sa isla ng Panay.
Partikular sa kinukuwestyon ng PECO ay ang Section 10 at Section 17 ng RA 11212 na ibinigay ng Kongreso sa MORE noong isang taon at naaprubahan naman noong nakaraang buwan.
Layon din ng petisyon na utusan ng korte ang Department of Energy (DOE) at Energy Regulatory Commission (ERC) na itigil ang pagpapatupad ng RA 11212 habang dinidinig ang usapin.
Anang bahagi ng petisyon, “arbitrary” at “confiscatory” ang ginawang prangkisa ng Kongreso na pabor sa MORE.
Ipinunto pa na kahit ang Saligang Batas ay nagtatakda na hindi puwedeng kunin ang isang pribadong ari-arian (private property) nang walang sapat na kabayaran (just compensation).