MANILA, Philippines — Kilala ang Marso 8 o International Women's Day ngayon bilang araw ng pagdakila sa kababaihan. Para sa ilan, araw ito ng discount, sale at shopping para i-"reward" ang mga Eba. Para sa marami, isa na naman itong normal na araw sa trabaho.
Malayo sa kumersyal na mukha nito ngayon, hindi ito ganyan noon.
Pero saan nga ba ito nagmula?
1) Unang inorganisa ng Kaliwa bilang protesta
Kung babalikan ang kasaysayan, mauugat ang pagdiriwang sa kilusang manggagawa.
Sa suwestyon ni Theresa Malkiel, unang inilunsad ng Socialist Party of America ang "National Women's Day" noong ika-28 ng Pebrero taong 1909 sa New York City, USA.
Pinili ito ng nasabing partido bilang pagkilala sa welgang inilunsad ng mga babaeng mananahi noong 1908 bilang protesta sa pangit na kondisyon sa trabaho, mababang pasahod at pambabastos.
2) Paiba-iba ang petsa noon
Agosto taong 1910, inorganisa ang International Socialist Women's Conference bago ang pagpupulong ng Second International sa Copenhagen, Denmark.
Naantig ng mga Amerikanong sosyalista, iminungkahi ng Aleman na si Luise Zietz na ilunsad ang Women's Day taun-taon. Sinangayunan naman siya ng komunistang lider na si Clara Zetkin, na nagmungkahi na gawin international ang selebrasyon, at Käte Duncker.
Dinaluhan ng 100 kababaihan mula sa 17 bansa, nagkaisa silang maaari itong gamitin para itaguyod ang pantay na pagtrato at paggawad ng karapatang bumoto.
Mula rito, kumalat na sa iba't ibang bayan ang ideyang maglunsad na kani-kanilang "International Working Women's Day."
Gayunpaman, wala silang napiling petsa noon kung kaya't hindi pare-pareho ang araw ng selebrasyon.
Nagsimula ang taunang International Women's Day noong ika-19 ng Marso taong 1911 na nilahukan ng milyun-milyon mula Austria, Denmark, Germany at Switzerland. Sa Austro-Hungarian Empire pa lang lang, 300 protesta na ang naganap.
Sa Vienna, hawak ng mga kababaihan ang ilang banner para parangalan ang mga "martir" ng Paris Commune, ang makasaysayang pag-agaw ng mga manggagawa sa gobyerno sa France. Dito, iginiit din nila ang karapatan ng mga babaeng bumoto at mahalal sa gobyerno.
Ang mga Amerikano naman, isinasagawa pa rin ito sa huling Linggo ng Pebrero.
Noong 1913, unang ipinagdiwang ng mga Russian ang IWD noong huling Sabado ng Pebrero (Julian Calendar).
Noong 1914, ginanap naman ito ng mga babae sa Germany noong ika-8 ng Marso para makuha ang karapatang bumoto. Napalanunan nila ito noong 1918.
Lahat ng Women's Day pagkatapos nito ay ginanap na sa nasabing petsa.
3) Sinimulan nito ang Russian Revolution
Ika-8 ng Marso taong 1917 (Gregorian calendar), nagprotesta ang mga babaeng textile workers sa Petrograd, kabisera ng Russian Empire, na bumaha sa buong lungsod.