^

Bansa

5 bagay na dapat mong malaman tungkol sa 'Women's Day'

James Relativo - Philstar.com
5 bagay na dapat mong malaman tungkol sa 'Women's Day'
German poster na nananawagang makaboto ang mga babae noong 1914.
Public domain/Karl Maria Stadler

MANILA, Philippines — Kilala ang Marso 8 o International Women's Day ngayon bilang araw ng pagdakila sa kababaihan. Para sa ilan, araw ito ng discount, sale at shopping para i-"reward" ang mga Eba. Para sa marami, isa na naman itong normal na araw sa trabaho.

Malayo sa kumersyal na mukha nito ngayon, hindi ito ganyan noon.

Pero saan nga ba ito nagmula?

1) Unang inorganisa ng Kaliwa bilang protesta

Kung babalikan ang kasaysayan, mauugat ang pagdiriwang sa kilusang manggagawa.

Sa suwestyon ni Theresa Malkiel, unang inilunsad ng Socialist Party of America ang "National Women's Day" noong ika-28 ng Pebrero taong 1909 sa New York City, USA.

Pinili ito ng nasabing partido bilang pagkilala sa welgang inilunsad ng mga babaeng mananahi noong 1908 bilang protesta sa pangit na kondisyon sa trabaho, mababang pasahod at pambabastos.

2) Paiba-iba ang petsa noon

Agosto taong 1910, inorganisa ang International Socialist Women's Conference bago ang pagpupulong ng Second International sa Copenhagen, Denmark.

Naantig ng mga Amerikanong sosyalista, iminungkahi ng Aleman na si Luise Zietz na ilunsad ang Women's Day taun-taon. Sinangayunan naman siya ng komunistang lider na si Clara Zetkin, na nagmungkahi na gawin international ang selebrasyon, at Käte Duncker.

Dinaluhan ng 100 kababaihan mula sa 17 bansa, nagkaisa silang maaari itong gamitin para itaguyod ang pantay na pagtrato at paggawad ng karapatang bumoto. 

Mula rito, kumalat na sa iba't ibang bayan ang ideyang maglunsad na kani-kanilang "International Working Women's Day."

Gayunpaman, wala silang napiling petsa noon kung kaya't hindi pare-pareho ang araw ng selebrasyon.

Nagsimula ang taunang International Women's Day noong ika-19 ng Marso taong 1911 na nilahukan ng milyun-milyon mula Austria, Denmark, Germany at Switzerland. Sa Austro-Hungarian Empire pa lang lang, 300 protesta na ang naganap.

Sa Vienna, hawak ng mga kababaihan ang ilang banner para parangalan ang mga "martir" ng Paris Commune, ang makasaysayang pag-agaw ng mga manggagawa sa gobyerno sa France. Dito, iginiit din nila ang karapatan ng mga babaeng bumoto at mahalal sa gobyerno.

Ang mga Amerikano naman, isinasagawa pa rin ito sa huling Linggo ng Pebrero.

Noong 1913, unang ipinagdiwang ng mga Russian ang IWD noong huling Sabado ng Pebrero (Julian Calendar).

Noong 1914, ginanap naman ito ng mga babae sa Germany noong ika-8 ng Marso para makuha ang karapatang bumoto. Napalanunan nila ito noong 1918.

Lahat ng Women's Day pagkatapos nito ay ginanap na sa nasabing petsa.

3) Sinimulan nito ang Russian Revolution

Ika-8 ng Marso taong 1917 (Gregorian calendar), nagprotesta ang mga babaeng textile workers sa Petrograd, kabisera ng Russian Empire, na bumaha sa buong lungsod.

Demonstrasyon ng kababaihan para sa tinapay at kapayapaan - Ika-8 ng Marso, 1917, Petrograd, Russia
Public domain

Sa Saint Petersburg, dala nila ang panawagang "Bread and Peace," pagtatapos ng Unang Digmaang Pandaigdig, kakulangan ng pagkain at pagpapabagsak sa monarko.

Sinimulan nito ang "burges demokratikong" Rebolusyong Pebrero na nagpabagsak kay Nicholas II, huling Emperor ng Russia, matapos ang walong araw. Dahil dito, ibinigay ng provisional government ang karapatang bumoto sa mga babaeng Ruso.

Karugtong nito ang sosyalistang Rebolusyong Oktubre na bumuo sa Russian Revolution ng 1917.

Ito ang nagluklok sa mga komunista sa pwesto na nagresulta sa pagkakabuo ng Union of Soviet Socialist Republics.

Nilaman ang mga katagang "Peace, Land and Bread" sa Bolshevik Initial Decrees.

Sa kanyang librong The History of the Russian Revolution, kinilala ng pulitikong Soviet na si Leon Trotsky ang mahalagang papel ng Araw ng Kababaihan sa rebolusyon:

"23 February (8th March) was International Woman's Day and meetings and actions were foreseen. But we did not imagine that this 'Women's Day' would inaugurate the revolution. Revolutionary actions were foreseen but without date. But in the morning, despite the orders to the contrary, textile workers left their work in several factories and sent delegates to ask for support of the strike… which led to mass strike... all went out into the streets."

4) Unang naging holiday sa USSR

Sa malaking bahagi ng ika-20 siglo, tanging ang Kaliwa at mga bansang pinamumunuan ng mga komunista ang nagdiriwang ng Women's Day.

Matapos magwagi ng mga komunista sa Russia, agad idineklara nina Alexandra Kollontai at Vladimir Lenin ang ika-8 ng Marso bilang "national holiday."

1932 Soviet Women's Day poster. Pulang teksto: The 8th of March: A day of rebellion by working women against kitchen slavery. Gray text sa ibaba: Say NO to the oppression and vacuity of household work!"
Public domain

Gayunpaman, nanatiling may pasok sa mga eskwela't trabaho ang araw na ito hanggang 1965.

Ika-8 ng Mayo taong 1965, idineklara ito bilang non-working day ng USSR Presidium of the Supreme Soviet:

"[I]n commemoration of the outstanding merits of Soviet women in communistic construction, in the defense of their Fatherland during the Great Patriotic War, in their heroism and selflessness at the front and in the rear, and also marking the great contribution of women to strengthening friendship between peoples, and the struggle for peace. But still, women's day must be celebrated as are other holidays."

Taong 1922, una namang ipinagdiwang ng mga Tsino ang nasabing araw.

Matapos itatag ng Communist Party of China ang People's Republic of China noong 1949, idineklara ng kanilang State Council noong ika-23 ng Disyembre bilang official holiday ang ika-8 ng Marso.

Sa araw na ito, kalahating araw lang papasok ang mga babae sa Tsina.

Ilang buwan bago ang Spanish Civil War, pinamunuan naman ng rebolusyonaryong si Dolores Ibárruri ang pagmartsa ng mga kababaihan sa Madrid noong 1936.

5) 1975 lang kinilala ng UN

Unang ipinagdiwang ng United Nations ang Araw ng Kababaihan sa pagpasok ng "International Women's Year" noong 1975.

Taong 1977, inimbitahan ng UN General Assembly ang kanilang mga member states para ideklarang UN Day for Women's rRghts and World Peace ang ika-8 ng Marso.
 

INTERNATIONAL WOMEN'S DAY

WOMEN'S RIGHTS

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with