Sara sa mga kritiko ni Imee: 'Lahat ng tao sa mundo sinungaling'

Sabi ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio, walang kredibilidad ang ibang batikusin si Imee Marcos sa kanyang diumano'y pekeng college degree dahil pare-pareho lang silang sinungaling.
Davao City Government/Release

MANILA, Philippines — Pinasaringan ng Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio at Hugpong ng Pagbabago campaign manager ang mga kandidato ng oposisyon dahil sa pagtira kay senatorial candidate Imee Marcos dahil sa "pagsisinungaling" sa tinapos na pag-aaral.

Sabi ni Duterte-Carpio, walang kredibilidad ang ibang batikusin si Marcos sa kanyang diumano'y pekeng college degree dahil pare-pareho lang silang sinungaling.

"Kasi [ang] sinasabi nila, the issue is not about a college degree but honesty," kanyang sinabi sa mga reporters.

Humaharap sa batikos si Marcos matapos ideklarang grumaduate siya sa Princeton University at University of the Philippines Diliman College of Law.

Nauna nang itinanggi ng mga opisyal mula sa Princeton at UP College of Law na nakakuha ng diploma sa kanila ang anak ng dating diktador.

"Lahat sila sinungaling. Lahat ng tao sa mundong ito [ay] sinungaling," paliwanag niya.

Isa sa kanyang tinukoy ay si Magdalo Rep. Gary Alejano, na tumatakbo sa pagkasenador sa ilalim ng Otso Diretso.

"So anong nang gagawin natin sa kanila? Tulad ni Alejano, nagsisinungaling. Wala naman siyang proof to say na galing sa public funds ang t-shirts," wika niya pagdating sa mga damit na may mukha ni Hugpong at PDP-Laban senatorial candidate Bong Go.

Naibalita kasing sinabi ni Alejano na ipinamahagi ito bilang bahagi ng Liga ng mga Barangay sa Pilipinas National Assembly event kit.

Pinabulaanan naman ni Interior Secretary Eduardo Año na nagmula sa kaban ng bayan ang mga naturang damit.

"They deliberately say false statements onstage... against the administration of President [Rodrigo] Duterte," dagdag ni Duterte-Carpio.

"Andami-dami nilang sinasabi about the administration of President [Rodrigo] Duterte which are untrue. So that also reflects on their honesty and credibility."

Marcos nangdedma?

Samantala, hindi naman nagpaunlak ng tanong sa media si Marcos patungkol sa kanyang degree ngayong Miyerkules.

Sa video na ito ng GMA News, makikita na hindi kinikibo ng kandidato sa pagkasenador ang mga journalists.

Sinabihan din ang mga reporter na magpapaunlak ang Ilocos Norte governor ng panayam sa Parañaque campaign rally ngayong araw ngunit bigla namang umalis.

Naibalitang kinansela ni Marcos ang interview at umalis patungo ng event sa Pampanga kasama si House Speaker Gloria Macapagal-Arroyo.

Kahapon, sinabi ni Inday Sara na maglalabas ng statement si Marcos patungkol sa kanyang educational attainment.

Ipinaalala rin ni Duterte-Carpio na hindi kinakailangang nakapagtapos ng pag-aaral para tumakbo sa pulitika.

Show comments