Tagtuyot sa 22 probinsya, pinangangambahan sa Abril
MANILA, Philippines — Inaasahang madadagdagan pa ang mga probinsyang makararanas ng tagtuyot sa susunod na dalawang buwan bunsod ng El Niño ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration nitong Martes.
Ayon kay Ana Liza Solis, hepe ng PAGASA climate monitoring and prediction section, tatamaan din ng "dry spell" ang Occidental at Oriental Mindoro, Palawan, Ilocos Sur maging La Union ngayong buwan.
Simula pa Pebrero, nakararanas na ng tagtuyot ang Ilocos Norte, Zamboanga del Sur, Zambuanga Sibugay, Maguindanao at Cebu sabi ni Solis.
Pinangangambahang pumalo sa 22 lugar ang tatamaan ng tagtuyot pagdating ng Abril.
Isinailalim na ang Zamboanga City sa dahil sa El Niño.
Inaprubahan ng kanilang city council kahapon ang rekomendasyon ng lokal na Disaster Risk Reduction Management Office matapos maapektuhan ang 55 ektarya ng lupa na may halagang P1.265 milyon ang naapektuhan ng dry spell.
Aabot sa P7 milyong halaga ng palay, mais at gulay ang napinsala.
Naglaan na ng P13 milyon para maibsan ang idinulot ng dry spell ayon kay DRRMO chief Elmeir Apolinario.
'Water summit'
Nakatakda namang magsagawa ng water summit sa Ilocos sa susunod na linggo matapos manawagan ni Gov. Imee Marcos ng agarang aksyon para mabawasan ang impact ng El Niño
"The dry spell would trigger widespread drought. We must be proactive in helping our farmers who will bear the brunt of El Niño," banggit niya.
Dahil sa init, napilitan na ang ilang magsasaka sa Laoag City na anihin nang mas maaga ang kanilang mga pananim.
“Local government units in affected areas need the national government’s assistance to help farmers survive,” ani Marcos, na tumatakbo rin sa pagkasenador.
Panawagan niya, maglabas ng emergency funds sa panahon ng sakuna gaya ng El Niño.
Ayon sa PAGASA, masasabing drought o tagtuyot ang nararanasan ng isang lugar kung tatlong magkakasunod na buwan nang "way below normal" ang rainfall o nabawasan ng 60 porsyento ang nangyayaring pag-ulan.
Posible raw na maranasan ang "weak" El Niño sa bansa hanggang sa katapusan ng Mayo o Hunyo.
Hindi pa naman nagdedeklara ng tag-init ang state weather bureau. Mangyayari lang kasi ito kapag ang easterlies — ang mainit na hangin mula a Pasipiko — ang maging dominanteng wind system sa bansa.
Inaasahan namang magiging mas mahaba ang dry season ngayong taon dahil sa El Niño.
Nitong Lunes, naitala ang pinakamainit na temperature ngayong taon sa Tuguegarao City, Cagayan sa 34 degrees Celsius.
Umabot naman ng 33.6 degree Celsius ang pinakamaiinit na naranasan ng Metro Manila.
Pinangangambahang sumirit papuntang 38.2 degrees Cesius sa Metro Manila at 40.7 degrees Celsius sa Tugegarao City sa Mayo.
Maaari naman daw magtuloy-tuloy hanggang Hunyo ang below normal rainfall sa kalakhang bahagi ng Luzon, sabi ni Solis.
- Latest