May degree man o wala, Imee qualified maging senador, sabi ni Inday Sara

Pagdidiin ni presidential daughter Sara Duterte-Carpio, na siya rin chairperson ng Hugpong ng Pagbabago na nag-eendorso kay Imee Marcos, hindi naman kinakailangang nagtapos ng pag-aaral para tumakbo sa pagkasenador.
The STAR/Michael Varcas, File

MANILA, Philippines — Sa kabila ng kontroberiyang kinakaharap ni Ilocos Norte Gov. Imee Marcos sa diumano'y pamemeke ng kanyang degree sa kolehiyo, sinabi ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na kwalipikadong tumakbo sa pagkasenador ang anak ng dating diktador dahil sa karanasan bilang gobernadora. 

Pagdidiin ni Duterte-Carpio, presidential daughter at chairperson ng Hugpong ng Pagbabago na nag-eendorso kay Marcos, hindi naman kinakailangang nagtapos ng pag-aaral para tumakbo sa pwesto.

Sina-sangayunan naman 'yan ng Article VI Section 3 ng Saligang Batas.

"No person shall be a Senator unless he is a natural-born citizen of the Philippines and, on the day of the election, is at least thirty-five years of age, able to read and write, a registered voter, and a resident of the Philippines for not less than two years immediately preceding the day of the election."

“Sinabi ko naman sa kanya, in any event, whatever it is, the law, our Constitution only requires for the president, vice-president, and senators to be able to read and write and she can very well do that given her track record as governor,” pagbabahagi ni Duterte-Carpio sa mga reporters sa Hugpong rally sa Antipolo City.

Naninindigan si Marcos na grumaduate siya sa Princeton University at Univesity of the Philippines Diliman.

Pareho naman itong itinanggi ng mga opisyal ng Princeton at UP College of Law.

Matatandaang naglabas si Marcos ng ilang litrato sa kanyang Facebook na nagpapatunay diumano ng kanyang pagtatapos sa UP.

Pero ayon sa librong "The Turning Point: Twenty-six accounts of February events in the Philippines," sinabi ni dating UP Law Dean Froilan Bacungan na "PR stunt" lang daw ito.

"There was indeed some kind of a ceremony held which looked as if she graduated. I was there. It was a little bit PR that, strictly speaking, we should not have participated in," sabi ng dating dekano.

Kahit na walang naipakitang bachelor's degree, pinayagan daw ni Bacungan na mag-enrol si Marcos sa UP Law sa pangakong magbibigay siya ng kopya ng kanyang diploma mula sa Princeton, bagay na 'di pa raw ibinibigay ng Ivy League School sa kanya noong mga panahong iyon.

"I allowed her to enter the College of Law in spite of the fact that she couldn't present a certificate proving that she had a bachelor's degree which was the basic requirement," kanyang dagdag.

Maglalabas ng statement

Ayon sa anak ni Pangulong Rodrigo Duterte, maglalabas ng pahayag ang gobernadora tungkol sa mga alegasyong nagsisinungaling siya.

"Sabi niya maglalabas siya ng written official statement about the question on her educational background," ani Duterte-Carpio.

Matagal nang hinihiling ng ilan na pagbawalang tumakbo sa higher office ang mga hindi nakapagtapos ng kolehiyo.

Isa sa mga pabor sa naturang suwestyon ay si Sen. Manny Pacquiao, na aminadong 'di pa tapos ng kolehiyo.

Gayunpaman, malapit na raw makakuha ng degree si Pacquiao sa isang eskwelahan sa Kamaynilaan.

Show comments