Inisyatibo ni Tugade sa motorcycle taxi, pinuri
MANILA, Philippines — Pinuri ng mga government officials, transport advocates, commuters at motorcycle riders si Department of Transportation (DOTr) Secretary Arthur Tugade dahil sa kanyang inisyatibo sa pagtaya sa motorcycle taxi operations sa bansa habang hinihintay ang legalisasyon at regulasyon ng nasabing uri ng sasakyan.
Ito’y matapos na magpalabas si Tugade ng direktiba na bumuo ng technical working group (TWG) upang talakayin ang mga isyu na may kinalaman sa posibleng operasyon ng motorcycle taxi bilang public transport.
“Kami naman sa DOTr ay marunong makinig sa daing ng publiko. Kaya kahit na hindi pa nagpapalabas ang Korte Suprema ng pinal na kautusan tungkol sa motorcycle taxis, bumuo na kami ng TWG upang pag-aralan ang paggamit ng motorcycle taxis bilang public transportation,” ani Tugade sa mga naunang panayam.
Ang TWG ay pinamunuan ni Undersecretary Mark de Leon at binubuo ng mga kinatawan ng DOTr, Land Transportation Office (LTO), Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG), at iba pang ahensya.
Sa naunang pagpupulong ng transport sector officials at industry players, pinuri naman ni Presidential Adviser on Entrepreneurship Joey Concepcion si Tugade sa paglikha ng TWG. Sinabi ni Concepcion na wala siyang tutol sa anumang uri ng transportasyon hanggang ito ay maayos, ligtas at komportable.
Pinuri rin ni Angkas Head of Regulatory and Public Affairs George Royeca ang DOTr para sa test run initiative.
Nabatid naman na nagsagawa na rin ang komite ni Congressman Winnie Castelo, chairman ng House Committee on Metro Manila Development, ng ilang pagdinig sa Mababang Kapulungan tungkol sa motorcycle taxi regulation sa Metro Manila.
- Latest