Pari at obispo pinakalma ng Palasyo
MANILA, Philippines — Pinakalma ng Malacañang ang mga pari at obispo ng Simbahang Katoliko at iginiit na walang dahilan upang matakot ang mga ito sa pamahalaan matapos tumanggap ng death threat si Caloocan City Bishop Pablo Virgilio David.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, walang dapat ikatakot ang mga pari sa administrasyon dahil kaisa sila ng mga ito sa paglaban sa kasamaan sa lipunan.
Sinabi ni Panelo na ang dapat matakot ay ang mga criminal, mga tiwali sa pamahalaan, mga drug lords at mga terorista pero walang dapat ikatakot ang mga taga simbahan.
Binigyang-diin ni Panelo na hinding-hindi papayag si Pangulong Duterte na masaktan ang mga taga simbahan at ang mga sinasabi nito laban sa mga pari ay pawang mga figure of speech lamang o hyperbole at minsan ay mga biro lang.
Posibleng ang mga pagbabanta sa buhay ng mga pari ay mula sa mga anti-Duterte Trolls o mga personal na kaaway ng mga ito.
Idinagdag pa ni Panelo, ginagamit lamang ng mga taga oposisyon ang issue para sirain ang popularidad ni Pangulong Duterte.
- Latest