MANILA, Philippines — Tumataginting na P200 milyong extortion money ang sinasabing nalikom ng mga rebeldeng komunistang New People’s Army (NPA) mula sa mga kandidatong tumakbo sa 2016 elections, batay sa ‘konserbatibong pagtaya’ ng Department of Interior and Local Government (DILG).
Ayon kay DILG Assistant Secretary Jonathan Malaya, ang pagbibigay ng pera ng mga kandidato ay sinasabing ‘permits to campaign’ ng NPA.
Batay sa natanggap nilang ulat, talamak ang naturang gawain sa Bicol region, gayundin sa Ilocos region, Southern Tagalog, Eastern Visayas, Northern Mindanao, at maging sa Davao region.
Magkakaiba ang halaga na ibinibigay ng kandidato sa mga rebelde, depende sa tatakbuhang posisyon ng mga ito, gayundin sa negosasyon nila.
Ang mga local candidates aniya ay nagbabayad ng libu-libong piso habang milyun-milyon naman ang ibinabayad kung national position ang kanilang tinatakbuhan.
Sa ngayon umano ay 349 pulitiko ang kasama sa watchlist ng departamento, kabilang dito ang 11 gobernador, 5 bise gobernador, 10 provincial board members, 55 mayors, 21 vice mayors, 41 councilors, 126 barangay captains, 50 barangay councilors, at walong iba pang barangay officials.