MANILA, Philippines — Hindi nilagdaan ni Pangulong Duterte ang “Anti-Palo” bill na nagnanais ipagbawal ang pagdidisiplina sa mga bata gaya ng pamamalo.
Ginamit ni Pangulong Duterte ang kanyang veto power sa enrolled bill na Senate Bill No. 1477 and House Bill No. 8239 na “An Act Promoting Positive and Nonviolent Discipline, Protecting Children from Physical, Humiliating or Degrading Acts as a Form of Punishment and Appropriating Funds Therefor.”
Sa ilalim ng nasabing panukala na akda ni Sen. Risa Hontiveros ay tinatanggal ang karapatan ng mga magulang na gamitin nito ang pamamalo kung sa palagay nila ay nararapat sa pagdisiplina sa kanilang mga anak.
Ipinabalik ng Pangulo sa Kongreso ang nasabing panukalang batas matapos niya itong i-veto.
Naniniwala ang Pangulo na sapat na ang Family Code of the Philippines, Republic Act 7610 o Anti-Child Abuse Act of 1992, gayundin ang Presidential Decree 603 or the Child and Youth Welfare Code at RA 9262 o ang Anti-Violence against Women and their Children Act of 2004 para mabigyan ng kaukulang proteksiyon ang mga bata kontra pagmamalupit kaya hindi na kailangan ang panibagong batas hinggil dito tulad ng nasabing anti-palo bill.