MANILA, Philippines — Nagbabala si Bayan Muna chairperson at Makabayan senatorial bet Neri Colmenares tungkol sa P3.6 bilyong utang na ipagkakaloob ng Tsina sa Pilipinas para maipatayo ang Chico River Pump Irrigation Project sa probinsya ng Cordillera.
Sinabi ito ng senatorial candidate noong Miyerkules matapos magpost ng kopya diumano ng naturang loan agreement sa kanyang Facebook page.
Maliban sa Tsino ang kukuning contractor sa proyekto, pinangangambahang mga Tsino rin ang kukuning manggagawa sa pagtatayo ng irigasyon.
"Wala na ngang trabaho ang napakaraming mga Filipino ay mga Chinese pa ang malamang na kukunin sa deal na ito na tayo naman ang magbabayad. Talagang ginigisa tayo sa sarili nating mantika,” banggit ni dating Bayan Muna Rep. Colmenares.
Sa loob ng nasabing kasunduan, tinukoy ang China CAMC Engineering Co. bilang kontraktor ng proyekto.
Ikinagalit naman ni Colmenares ang pagpipilit sa isang Chinese contractor gayong mataas na raw ang ipapataw na interes rates at fees na ipapataw dito ng Tsina.
"[A]ng mas malaking tanong, bakit pumayag ang gobyerno na CAMC Engineering Co. Ltd ang contractor, eh marami namang Pilipino ang kayang gumawa ng proyekto?" tanong ng dating mambabatas.
Sa ilalim nito, tinukoy ang Chinese state-owned Export-Import Bank of China bilang "lender" at Government of the Republic of the Philippines bilang "borrower."
Ayon sa dokumento, sinabing pinirmahan noong ika-20 ng Oktubre taong 2016 ang pagfa-facilitate ng "financing cooperation" sa pagitan ng Pilipinas at People's Republic of China para pondohan ang mga proyektong tutukuyin nila.
Kwinestyon din ng militanteng kandidato kung sinu-suno ang kinuhang Chinese consultants na babayaran ng P44 bilyon para sa mga proyekto.
"Talamak na pagwawaldas na 'yan ng pera ng bayan," dagdag niya.
"Sabi ni Pres. [Rodrigo] Duterte at economic managers niya na Build, Build, Build para may trabaho pero sa mga Chinese pala niya ito ibibigay," sabi ng Makabayan senatorial bet.
Nitong linggo, inamin ng Department of Public Works and Highways na dose-dosenang manggagawang Tsino ang nagtratrabaho sa dalawang China-funded construction projects na itinatayo sa ilalim ng infrastructure drive ng pamahalaan tulad ng sa Binondo bridge.
Matatandaang sinabi ni Pangulong Duterte na hayaan na lang ang mga iligal na manggagawang Tsino sa Pilipinas sa nakaraang campaign rally ng PDP-Laban sa Laguna, bagay na umani ng batikos mula sa mga netizens.
"Kapag ganito ang sinasabi ng presidente, patay ang mga manggagawang Pilipino," sabi ni Colmenares.
Bukod tanging kandidato ng pambansa-demokratikong Kaliwa ngayong taon, dati nang tumakbo sa pagkasenador si Colmenares noong 2016 ngunit hindi pinalad.
Illegal workers sa 'Pinas 'di raw kukunsintihin
Samantala, nagsalita na ang Embahada ng Tsina tungkol sa nababalitang pagdami ng undocumented Chinese workers sa bansa.
Sa isang pahayag, sinabi ng embahada na hindi nila kukunsintihin ang mga lumalabag nilang mamamamayan. Aniya, nirerespeto nila ang mga umiiral na batas sa Pilipinas.
"China respects the laws and regulations of the Philippines regarding employment of foreign nationals in the country, and holds that Chinese nationals should not stay or work illegally in foreign countries including the Philippines," sabi ng tagapagsalita ng embahada.
Dagdag nila, hindi naman daw sila basta-basta magpapauwi ng mga Pilipinong manggagawa sa Tsina oras na magpa-deport ng Chinese workers ang 'Pinas.
Aniya, kikilos lamang sila alinsunod sa kung ano ang itinatakda ng kanilang batas.
"Chinese law enforcement agencies will continue to properly handle relevant issues concerning foreign nationals working illegally in China in accordance with laws and regulations."