Panelo: Walang nabanggit si Nur na reklamo sa loob ng MNLF

Pagkikita nina Moro National Liberation Front chair Nur Misuari at Pangulong Rodrgio Duterte sa Palasyo noong Lunes.
File

MANILA, Philippines — Sa kabila ng naibabalitang disgusto sa mga miyembro ng Moro National Liberation Front, nakipagpulong noong Lunes si Pangulong Rodrigo Duterte kay MNLF chairperson Nur Misuari sa Malacañang para pag-ibayuhin ang peace efforts sa Mindanao matapos italaga ang mga opisyales ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Sinabi ni presidential spokesperson Salvador Panelo na umabot ng 15 minuto ang pag-uusap ni Misuari at Digong.

Aniya, wala namang nabanggit ang lider ng rebeldeng grupo tungkol sa diumano'y diskuntento sa loob ng MNLF sa 'di pantay na distribution ng slots sa Bangsamoro Transition Authority.

“They’re going to meet again. What transpired [Monday] night was the President told the [MNLF] chairman that he admired his patience and apologized for not having implemented or enforced whatever agreements that they had previously, I think with respect to federalism or something,” sabi ni Panelo sa isang press briefing noong Martes.

Dagdag ng tagapagsalita ng pangulo, napag-usapan lang nila ang pangangailangan ng pederalismo sa Pilipinas.

Sinegundahan naman ni Panelo ang mga pahayag ni presidential adviser on the peace process Carlito Galvez Jr. na pantay ang pamamahagi ng poisyon sa BTA.

“Well for one, if the MNLF was complaining about it, the chairman did not mention it. Number two, per General Galvez, there has been equitable distribution or representation on that authority,” ani Panelo.

Nitong Lunes, sinabi ni Duterte na merong kaguluhan sa loob ng ranggo ng MNLF tungkol sa komposisyon ng BTA.

“There are rumblings about the MNLF. I told them come and join, but Misuari is gnawing out and I have ordered the military and police [to allow him], he will come back,” sabi ni Duterte.

Matatandaang nagtago si Misuari matapos ang 2013 Zamboanga City seige na isinagawa diumano ng MNLF ngunit binigyang ng pansamantalang kalayaan nang lumaon.

Nakikipag-usap si Misuari kay Duterte kasunod ng ratipikasyon ng Bangsamoro Organic Law na magtatayo ng BARMM kapalit ng Autonomous Region in Muslim Mindanao.

Una nang tinutulan ni Misuari ang plebisito na pumapabor sa karibal na Moro Islamic Liberal Front habang nakikipaglaban para sa isang federal system of government na magbibigay diumano ng mas malaking awtonomiya sa kanilang rehiyon.

BTA 'di demokratiko, diktadura?

Samantala, tinawag namang tiraniya ni MNLF vice chairperson Firdausi Abbas ang pamumuno ng BTA nang tatlong taon sa BARMM.

Kaysa maghintay hanggang 2022, nananawagan si Abbas sa Kongreso na magkaroon ng eleksyon sa rehiyon sa loob ng anim na buwan.

Sabi ni Abbas, na sultan din ng Lanao, na paraan ito para mahayaan ang mga Moro na mamili ng kanilang mga representante.

"Three years is a long time, and without the mandate of the people, that is tyrannical. It’s a no-no for us because we worked for this. We labored for this. We sacrificed for this—not these people," sabi niya sa Early Edition ng ANC ngayong Miyerkules.

Dati nang binanggit ni Abbas na gagawa siya ng panibagong grupo matapos bigyan ng 41 sa 80 posisyon sa BTA ang MILF.

Binigyan lamang ng lima sa 39 seats ang MNLF sa mga appointees na maaaring italaga ng pangulo.

Idinulot ang Bangsamoro Organic Law ng mga negosasyon ng MILF sa gobyerno simula noong 2014. Dati namang pumirma ang MNLF ng sarili nilang kasunduan sa pamahalaan noong 1996.

"We want that this Bangsamoro Transition Authority will not have a controlling majority and that other sectors of the Bangsamoro, all the sectors as it is so contained in the Bangsamoro Organic Law will be properly represented," banggit ni Abbas, na namumuno na raw ng paksyon na may 32 kumander ng MNLF.

Sinabi naman ni BTA interim minister at MILF chair Murad Ebrahim na gagamitin ang tatlong taong transition para maitransporma ang mga armadong rebelde patungong burukrata.

'Di naman ito sinang-ayunan ni Abbas. Dapat daw ay ginagawa nila ito sa pribadong oras kaysa gumamit ng pondo ng pamahalaan.

"We have nothing to do with their transformation, that is personal to them, that is their problem. You do not use the Bangsamoro Transition Authority, which is intended for the people, as the venue to transform. Let them transform in their camps," sabi niya.  James Relativo

Show comments