Senatorial bet Jiggy Manicad bukas sa pag-decriminalize ng libelo

Aniya, hindi dapat labag sa batas ang paglalahad ng katotohanan.
Philstar.com/Efigenio Toledo IV, File

MANILA, Philippines — Binawi ng dating reporter at senatorial candidate Jiggy Manicad ang dating posisyon na dapat manatiling krimen ang libelo. 

Sa panayam ng ANC, ipinahayag ni Manicad ang kanyang pagiging bukas sa idea ng decriminalization.

"I might reconsider also my position with that kasi na-realize ko na, as a journalist, being branded a criminal would be talagang masamang tignan eh," wika niya.

Matatandaang sinabi ni Manicad noong ika-18 ng Pebrero sa "Harapan" debate ng ABS-CBN na dapat manatiling krimen ang libel.

Aniya, hindi dapat labag sa batas ang paglalahad ng katotohanan.

"Parang naglalahad ka lang naman ng katotohanan, if naglalahad ka lang ng katotohanan. 'Yun yung point eh," dagdag ni Manicad.

Gayunpaman, hindi naman daw dapat maging libreng-libre ang mga journalist sa mga paninirang puri. Aniya, hindi dapat absoluto ang kalayaan sa pamamahayag.

Paliwanag ni Manicad, kinakailangang gumawa ng mga internal na pamamaraan ang mga newsroom para i-regula ang sarili at maging responsable.

"Because, hindi ka pu-puwede na, 'di ba magsusulat ka, magmumura ka, babanatan mo. Pero, 'yun yung abuse ng freedom na ginagawa eh. So we have to have our own internal rules na strong," ani Manicad.

Dagdag ng dating mamamahayag, dapat din daw magkaroon ng mekanismo para mapanagot at maitama ang mga journo.

"And meron din [dapat] of course redress, or pwede ring ma-redress yung mga magiging biktima nito. Paano kung hindi totoo [ang impormasyon o alegasyon]?"

Isa si Maria Ressa, chief executive officer ng Rappler, sa mga mamamamahayag na kasalukuyang humaharap sa kasong libelo. Kilala si Ressa sa pagiging kritiko ng Pangulong Rodrigo Duterte.

Tumatakbo si Manicad sa ilalim ng partidong Hugpong ng Pagbabago ni presidential daughter at Davao City Mayor Sara Duterte. 

Tutukan ang ibang isyu sa media

Samantala, nanawagan naman ang kandidato na huwag malimita sa libelo ang diskurso pagdating sa mga problema ng kawani ng media.

Marami pa raw kasing ibang isyu na kinakaharap ang mga nasa industriya na kinakailangang mapagtuunang pansin ng gobyerno.

"So kung mao-organize natin 'tong maayos, at the same time ma-address din yung issues nila. Labor issues, ang dami niyan," ani Manicad.

Matagal nang binabatikos ng media groups ang problema ng kontratwalisasyon o "talent system" sa loob ng media, lalo na para sa malalaking istasyon ng telebisyon.

Noong ika-20 ng Pebrero, kinatigan ng Court of Appeals ang naunang desisyon at resolusyon ng National Labor Relations Commission na regular na empleyado ang mga "talent" ng GMA.

Si Manicad ay nanggaling mula sa nasabing istasyon ng telebisyon.

Maliban dito, nabanggit din niya ang kawalang katarungan para sa mga biktima ng Maguindanao massacre.

"Killings, until now [the] Maguindanao massacre, muntik na akong makasama roon, hindi pa rin tapos. Ang daming issues ng media na dapat din nating tutukan," banggit niya.

Umabot sa 34 mamamahayag ang namatay sa naturang insidente noong 2009.

Tinawag ito bilang "single deadliest event for journalists in history" ng grupong Committee to Protect Journalists.

Show comments