Mga pari payagan nang mag-asawa
MANILA, Philippines — Pabor na si Pangulong Rodrigo Duterte sa same sex marriage at dapat daw payagan na rin ang mga pari na mag-asawa.
Ito ang nakikitang solusyon ni Pangulong Duterte sa nabunyag na mga sexual abuse ng ilang kaparian na inamin mismo ni Manila Archbishop Luis Antonio Cardinal Tagle sa ginanap na Vatican Summit na pinangunahan ni Pope Francis.
“Ang mga pari. Ang Bibliya ay isinulat halos libu-libong taon na ang nakakaraan. Tatlong libong taon na ang nagdaan? Totoo. Meron ditong mga mensahe mula sa Diyos. Pero kung tatangkain mong kontrolin ang mundo sa pamamagitan ng relihiyon bilang kapital at wala ka man lang bigas o kalsada o mga kagamitan sa pagtatayo ng mga bahay,” usal ng Pangulo sa isa niyang mensahe sa Cebu City kamakalawa ng gabi.
Aniya, maging siya ay may dalawang bayaw na bakla at hindi niya ikinakahiya ang mga ito na mga mestiso.
“Payagan na silang mag-asawa. Magkaparehong kasarian, sige. Magsama sila. Ang mga Katoliko…ang mga Muslim ay maaaring magkaroon ng apat. Ang mga Katoliko ay maaaring magkaroon ng tatlong asawa. Magdadagdag ako para sa atin dahil merong mga hindi pa kasal,” giit pa ni Pangulong Duterte.
Magugunita na ilang ulit ding binabanggit ng Pangulo ang dinanas niyang pang-aabuso sa kamay ng pari noong high school pa siya.