MANILA, Philippines — Matapos na maisabatas ang extended maternity leave, isinusulong naman ngayon ang panukalang 30-day paternity leave sa mga ama.
Sa kasalukuyan, 7 araw lamang ang leave na maaring makuha ng mga nagta-trabahong tatay sa ilalim ng Republic Act 8187 o Paternity Leave Act of 1996.
Ang panukala ay magkahiwalay na inihain nina Senators Joel Villanueva, Francis Pangilinan at Nancy Binay.
Sa panukala ni Villanueva, nais nitong mabigyan ng 30 araw na paternity leave kahit ang mga tatay na hindi kasal sa ina ng kanilang anak o mayroon lamang silang “common-law relationship.”
Ang 30-days paternity leave ay maaring ma-avail sa unang apat na panganganak ng lehitimong asawa o kahit common-law spouse ng isang empleyadong lalaki.
May kapareho ring panukalang batas si Binay na nais gawing 30 araw ang paternity leave pero 15 araw lamang ang babayarang leave at ang karagdagang 15 araw ay walang bayad.
Sa House bill no. 3401 naman ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel, nais niya na gawing 15-araw ang paid paternity leave sa halip na 7-araw.
Paliwanag ng kongresista na ilang pag-aaral na ang nagpatunay na ang mga tatay na may mga ganitong pribelehiyo na maalagaan ang kanilang sanggol ay mas nagiging involved sa pagpapamilya at magkakaroon ng mas malalim na bonding sa anak.
Sa ibang mga bansa umano ay mas mahahaba ang paternity leaves at 80% pa ng kanilang regulay pay ang ibinibigay na pasahod.
Nauna nang nilagdaan ni Pangulong Duterte ang expanded maternity leave mula sa dating 60 araw ay naging 105 days.