MANILA, Philippines — Hindi na papayagan ang Bureau of Immigration na magbigay ng Special Working Permit (SWP) sa mga dayuhan na nais magtrabaho sa Pilipinas.
Sinabi ito kahapon ni Sen. Joel Villanueva, chairman ng Senate committee on Labor, Employment and Human Resources matapos ang pagdinig tungkol sa pagdagsa ng mga dayuhang ilegal na nagta-trabaho sa Pilipinas na karamihan ay mga Chinese.
Sinabi ni Villanueva na nakapaloob sa General Appropriations Act na lalagdaan ni Pangulong Duterte na hindi na puwedeng maglabas ng SWP ang BI dahil wala silang kapasidad bilang ahensiya na tingnan kung maaari bang magtrabaho ang isang dayuhan o kung hindi kayang gawin ng isang Filipino ang trabahong nais niyang gawin.
Ang SWP na ibinibigay ng BI ay para sa mga dayuhan na pansamantala lamang magta-trabaho sa bansa na hindi lalampas ng anim na buwan.
Ang SWP ay bukod sa Alien Employment Permit (AEP) na ipinalalabas naman ng Department of Labor and Employment.
Lumabas din sa pagdinig na nasa 72,010 ang nabigyan ng SWP kung saan 64,087 ay mga Chinese.
Sinabi ni Immigration Commissioner Jaime Morente na dumagsa sa Pilipinas ang mga Chinese nationals dahil sa pagdami ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGOs) kung saan maaring maglaro ang mga banyaga na nasa labas ng bansa