^

Bansa

Mga manggagawa ng NutriAsia muling inaresto

James Relativo - Philstar.com
Mga manggagawa ng NutriAsia muling inaresto
Ilan sa mga ipinaglalaban ng mga nasabing kontraktwal ng NutriAsia ang regularisasyon, benepisyo at karapatang mag-unyon.
Twitter/Anakbayan UST

MANILA, Philippines — Dinakip ng Philippine National Police Marilao ang tatlong manggagawa kaugnay ng inilabas na warrant laban sa mga nagwelgang unyonista ng NutriAsia at kanilang mga tagasuporta noong nakaraang taon.

Sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Malolos Regional Trial Court Branch 9, isinasakdal ang 17 katao dahil sa mga kasong alarms and scandal at direct assault upon an agent or a person in authority.

Kasama ang 17 sa tinaguriang NutriAsia 19 na nauna nang inaresto noong ika-14 ng Hunyo taong 2018 matapos ang madugong dispersal sa piketlayn ng Nagkakaisang Manggagawa ng Nutri-Asia Inc. sa Marilao Bulacan.

Ilan sa mga ipinaglalaban ng mga nasabing kontraktwal ng NutriAsia ang regularisasyon, benepisyo at karapatang mag-unyon.

Mangangailangan ng halagang P22,000 piyansa kada tao ang mga isinasakdal para mabigyan ng pansamantalagang kalayaan.

Matatandaang sinisi ng NutriAsia ang mga raliyista at sinabing sila ang nagsimula ng karahasan.

Ibinasura na noon ng prosecutor ang mga nasabing kaso dahil 'di raw saklaw ng MTC ang paglilitis sa mga kasong may kasamang menor de edad.

Maliban sa mga manggagawa, kasama rin sa ipinaaaresto ang ilang miyembro ng League of Filipino Students at Kalipunan ng Damayang Mahihirap na kasama noon sa dispersal.

"Sa loob ng ilang buwan, walang anumang gulong ang kaso at nakatakda pa lamang magkaroon ng hearing sa ika-8 ng Marso, 2019," sabi ng pahayag na inilabas sa Facebook page ng Worker's Movement for Change Bulacan.

Aniya, nangyari raw ang "higit" na panggigipit sa mga trabahante matapos mapagtagumpayan ng Nagkakaisang Manggagawa ng NutriAsia na makuha ang ilang bahagi ng money claims na nagkakahalaga ng P2 milyon.

Naging mariin naman daw ang pagtutol ng kumpanya sa pahayag ng NMN na muling itatayo ang piketlayn, bagay na ginagarantiyahan ng batas at karapatang mag-unyon.

"Ang mga panggigipit na ito ay isa lamang sa napakahabang listahan ng mga paglabag sa karapatang pantao at pagratsada sa prosesong legal sa kapabura ng kapitalista," dagdag nila.

'Lumabag sa labor laws'

Makailang ulit nang naglabas ng utos ang Department of Labor and Employment kaugnay ng mga diumano'y pang-aabuso ng NutriAsia.

Pebrero taong 2018, una nang iniutos ng DOLE na i-regularize ang 1,000 manggagawa ng kumpanya.

Tinukoy ang tatlong contractor nito — Alternative Network Resources Unlimited Multipurpose Cooperative, Serbiz Multi-Purpose Cooperative at B-Mirk Enterprises Corporation — dahil sa paglabag diumano sa labor laws, general labor standards at labor-only contracting.

"Inspectors likewise noted the absence of safety officers, nurses and first aider that are necessary in cases of emergency. The workplace also did not provide for a clinic for employees," sabi ng DOLE.

Maliban dito, iligal din daw ang pagbabawas nila para sa uniporme ng mga manggagawa, kulang-kulang na sahod at benepisyo.

Gayunpaman, kumabig ang DOLE noong Hulyo at ibinaba ang mga dapat i-regula sa 80 manggagawa.

Sa isang pahayag, sinabing tanging ang AsiaPro Multi-Purpose Cooperative na lang daw ang lumalabag.

Sa panahong ito, sinabi naman ng DOLE na compliant na sa labor laws ang apat na ibang contractor.

“The labor inspectors also noted that AMPC did not solely exercise control and supervision on the performance of its workers under the job or work contracted out,” sabi ng Labor department.

“Hence, DOLE ordered AMPC to cease and desist from further engaging in contracting activities.”

Ika-20 ng Hunyo taong 2018 nang itanggi ng NutriAsia na nagsasagawa sila ng "endo" o end of contract sa kanilang kumpanya.

Isa ang endo sa mga ipinangakong tapusin ni Pangulong Rodrigo Duterte noong panahon ng kanyang kampanya.

Kilala ang NutriAsia na nagmamanupaktura ng toyo, suka, sarsa, catsup, inumin at iba pa.

LABOR ISSUES

NUTRIASIA

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with