MANILA, Philippines — Wala raw interes na makipagsabayan sa debate hinggil sa mga isyung panlipunan ang action-star turned politician na si Lito Lapid matapos hamunin ng mga tumatakbo sa Otso Diretso slate ang ibang senatorial aspirants.
Pagmamalaki ni Lapid, hindi siya sumabak sa debate ni minsan pero nananalo.
"Wala naman akong ine-expect kahit noong dalawang beses akong nanalo bilang senador eh. Nakadalawang term ako at labingdalawang taon sa Senado, pero hindi naman ako nakipagdebate," sabi ng beteranong aktor.
Giit ng dating bida ng pelikulang "Julio Valiente," hindi siya lumalahok sa eleksyon para makipag-"pagalingan."
Kung ano man daw ang pagkukulang niya sa pakikipagtalastasan sa isyu, sinabi niyang mahusay naman siya sa ibang bagay.
"Nagdidirek naman ako sa pelikula, eh siguro pagdirekin mo sa pelikula [yung mga karibal ko sa eleksyon] ‘yun di nila alam. Oh di ba? Kanya-kanya lang pinag-aralan ‘yan," dagdag niya.
Aniya, wala naman daw sa galing makipagdebate ang kagustuhang tumulong sa taumbayan.
Kandidato para sa National People's Coalition, bibigyang diin daw ni Lapid ang edukasyon at pagsuporta sa mga makamasang panukala kung papalaring manalo.
Posisyon sa batas militar sa Mindanao
Hindi man lumalahok sa mga argumento, 'di naman nakatakas ang 63-anyos sa pag-uusig ng reporters.
Nang tanungin kung susuportahan niya ang ikatlong extension ng martial law sa Mindanao, ito ang kanyang sinabi: "Depende siguro. Siguro wala namang hinahangad ang ating mahal na pangulo kundi ang katahimikan din. Yung mga peace and order natin," wika niya.
Matatandaang ibinasura kahapon ng Korte Suprema ang apat na pinagsama-samang petisyon na kume-kwestyon sa constitutionality ng martial law.
"Kung nakikita nating kailangan, bakit natin 'di susuportahan?" sabi niya.
Idineklara ito sa Mindanao matapos ang ginawang pagsalakay ng grupong Maute sa Lungsod ng Marawi taong 2017.
Probinsyano nakatulong sa surveys
Samantala, nananatiling nasa ikatlo hanggang ikaanim na pwesto ang "Ang Probinsyano" star sa nakaraang senatorial survey ng Pulse Asia.
Isinagawa ang pag-aaral noong ika-26 hanggang ika-31 ng Enero.
Aminado naman si Lapid, na gumaganap bilang Romulo Dumaguit alyas "Pinuno," na maaaring nakatulong ang kanyang paglabas sa naturang teleserye.
"Isa na siguro pong nakakatulong 'yan dahil doon sa Probinsyano. 'Yung exposure ko doon sa teleserye ni Koko [Martin]," banggit niya.
Dagdag niya, malaki ang pasasalamat niya kay Martin na nakabalik siya sa mundo ng showbiz.