SC: Constitutional ang ika-3 martial law extension sa Mindanao
MANILA, Philippines — Pinanindigan ng Supreme Court ang constitutionality ng ikatlong pagpapalawig ng batas militar sa Mindanao hanggang sa katapusan ng 2019.
Sa botong 9-4, sinabi ng Korte Suprema na may factual basis ang martial law doon at sang-ayon sa Saligang Batas.
Ibinasura ng Kataas-taasang Hukuman ng Pilipinas ang apat na pinagsama-samang petisyon mula sa mga mambabatas, human rights lawyers at mga taga-Mindanao na kumwekwestyon sa batayan ng martial law.
Sinabi ni SC Public Information Chief Brian Hisoka na wala siyang impormasyon hinggil sa mga argumento ng mga hukom sa kanilang pagboto.
Noong ika-29 ng Enero, nagsagawa ng oral arguments ang SC kaugnay ng mga petisyon.
Dinaluhan ito ng ilang opisyales ng militar kasama nina Maj. Gen. Pablo Lorenzo, deputy chief of staff for intelligence ng Armed Forces of the Philippines, at Oscar Albayalde, hepe ng Philippine National Police.
Noong oral arguments, tinanong ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa ang gobyerno kung paano nila masasabing nasugpo na ang rebelyon, na isa sa mga kinakailangang elemento para magdeklara ng batas militar.
Ayon kay AFP chief Lt. Gen. Benjamin Madrigal, masasabi lang nilang nadurog na ang kaaway kapag napaliit na ang pwersa nito sa 30 porsyento.
Sinusukat ang capability ng kalaban ng pamahalaan sa pamamagitan ng manpower, armas, support system (tulad ng mga kontroladong barangay) at bayolenteng insidente.
Kapag napababa na sa 30 porsyento, sinabi ni Madrigal na kakayanin nang ipaubaya ang lugar sa mga pulis.
Oras na mangyari ito, irerekomenda raw ng militar na mapawalambisa na ang martial law.
Una nang kinatigan ng korte ang constitutionality ng martial law declaration ni Pangulong Rodrigo Duterte hanggang katapusan ng 2017 at 2018.
Reaksyon sa desisyon
Ikinadismaya naman ito ng ilang grupo.
“This move by the Supreme Court is the cherry on top of Duterte's all-out tyrannical rule under the Martial Law. It seals the legalization of the spate of killings among various sectors and wars against the people," sabi ni Kara Taggaoa, national spokesperson ng League of Filipino Students.
Dagdag ng lider kabataan, hindi na nila ito ikinagulat dahil kontrolado na raw ni Digong ang ehekutibo, lehislatura at hudikatura.
"This Marcosian-style leadership will eventually meet its downfall as stronger resistance will be forged among the Filipino people. Duterte creates the route for his own ultimate failure," panapos ni Taggaoa. — James Relativo
- Latest