^

Bansa

Puntod ni Karl Marx sa London 'vinandal'

Philstar.com
Puntod ni Karl Marx sa London 'vinandal'
Gamit ang pulang pintura, nagtungo sa Highgate Cemetery ang mga salarin at nagsulat ng mga katagang "architect of genocide," "terror and oppression" at "mass murderer" sa monumento ni Karl Marx.
Twitter/Highgate Cemetery

MANILA, Philippines — Sa ikalawang pagkakataon sa loob ng dalawang linggo, sinalakay ang puntod ng pilosopo at ekonomistang Aleman na si Karl Marx ayon sa namamahala ng sementeryo nitong Sabado.

Gamit ang pulang pintura, nagtungo sa Highgate Cemetery ang mga salarin at nagsulat ng mga katagang "architect of genocide," "terror and oppression" at "mass murderer" sa kanyang monumento.

Makikita rin ang mga salitang "doctrine of hate" sa kanyang memorial, maliban sa iba pang slogan.

"Vandals back at Marx Memorial, Highgate Cemetery. Red paint this time, plus the marble tablet smashed up (Bumalik ang mga vandal sa Marx Memorial, Highgate Cemetery. Pulang pintura naman ngayon, at winasak ang tablet na gawa sa marmol)," banggit ng tweet ng Highgate Cemetery kasama ang ilang litrato.

 

 

Binatikos naman ng pamunuan ng sementeryo ang ginawang pag-atake.

"Senseless. Stupid. Ignorant. Whatever you think about Marx's legacy, this is not the way to make the point (Walang saysay. Katangahan. Ignorante. Anuman ang tingin niyo sa legasiya ni Marx, hindi ito ang paraan ng pagpapatunay ng inyong punto)," dagdag ng paskil.

Noong ika-4 ng Pebrero, pinaghahampas naman ng matigas na bagay — na pinaghihinalaang yari sa bakal — ang huling hantungan ng nagpaunlad sa teorya ng siyentipikong sosyalismo.

Paulit-ulit diumanong pinagpapalo ang marmol na plaque kung saan nakasulat ang pangalan ni Marx at kanyang pamilya.

Lumipat ng London ang tanyag na rebolusyonaryo noong 1849 at tumira na roon hanggang sa kanyang mga huling sandali.

Ginamit na batayan ang kanyang mga ideya sa pagtatatag ng komunismo. Pumanaw siya noong ika-14 ng Marso taong 1883 sa edad na 64.

Pinondohan ang naturang monumento, na may tangkad na 12 metro, ng Communist Party of Great Britain noong 1956.

Impluwensya ni Marx

Katuwang ni Friedrich Engels, nagsilbing inspirasyon si Marx sa mga manggagawa ng daigdig na gumawa ng kanya-kanyang partido komunista.

Nagsilbing daan ang kanilang mga sulatin, gaya ng "Manifesto of the Communist Party" at "Das Kapital," bilang gabay ng uring proletaryado laban sa diumano'y pangbubusabos ng kapitalismo.

Sa pagkalat ng kaisipang ito, napagtagumpayan ng mga Bolshevik sa Russia ang kanilang sosyalistang rebolusyon noong 1917. Naitransporma ito nina Vladimir Lenin sa pagiging Union of Soviet Socialist Republics sa pagpasok ng 1922.

Taong 1949, naitayo naman nina Mao Zedong ang People's Republic of China.

Itinatag ang Partido Komunista ng Pilipinas noong 1930 sa pamumuno nina Crisanto Evangelista, na siyang pinanggalingan ng Hukbong Bayan Laban sa Hapon o Hukbalahap nang sakupin ang Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Mahahati ang partidong 'yan sa paglaon ng panahon.

Itinatag naman ng mga miyembro ng grupong Kabataang Makabayan, sa pamumuno ni Jose Maria Sison, ang Communist Party of the Philippines noong 1968 sa kanilang paglalapat ng Marxismo-Leninismo-Maoismo sa Pilipinas. — James Relativo

KARL MARX

VANDALISM

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with