KAYA O HINDI? | Senatorial bets nangakong tatapusin ang 'endo'
MANILA, Philippines — Nanindigan ang ilang kandidato sa pagkasenador noong Linggo na gagawa sila ng mga hakbang para tapusin ang "endo" o kontraktwalisasyon sa paggawa.
Sinabi nila ito sa katatapos lang na "Harapan 2019: The ABS-CBN Senatorial Town Hall Debate" tungkol sa sistemang pagbibigay ng limang buwang kontrata para maiwasan ang paggawad ng regularisasyon.
'Sinabi na 'yan noon'
Sa panayam ng PSN, sinabi naman ng Kilusang Mayo Uno at Bukluran ng Manggagawang Pilipino na sana'y hindi mapako at mauwi sa mga buladas ang mga pangko ng mga kandidato.
“Talk is cheap. We have heard the same statements since last elections yet contractualization remains a rampant problem," sabi ni Elmer “Bong” Labog, national president ng KMU.
Sabi ni Labog, kung totoong sinsero sila ay maaaring magpakita ng suporta sa mga manggagawa ang mga senatorial candidates bago pa ang halalan.
"They can show support to workers who are fighting for their right to job security. They can visit the 200 workers from Japanese Banana Corporation SUMIFRU who travelled from Compostela Valley and are now camping at Liwasang Bonifacio in order to fight contractualization," dagdag ng labor leader, na dapat first nominee rin ng nadiskwalipikang Manggagawa party-list.
Ikinatuwa naman ng BMP ang pahayag ng mga kandidato, ngunit nanindigang ibinunga pa rin ng kompromiso sa pagitan ng mga kapitalista't manggagawa ang SOT bill.
"The Security of Tenure Bill proposed by the Labor committee in the Senate is but a compromise. It address only the 5-5-5 contracts but not the many other forms of labor flexibilization," sabi ng BMP.
Dagdag nila, sa totoo'y hindi hinaharap ng naturang panukala ang hampas na kontraktwalisasyon.
"As a matter of fact, The SOT Bill is another circumvention of constitutionally guaranteed workers' rights to security of tenure. The SOT bill only allows the regularization of workers in their manpower agencies not in the enterprise of their primary employer," kanilang dagdag.
'Modern exploitation'
Sa debate noong Linngo, nagkaisa ang karamihan sa kabuuang siyam na lumahok na dapat itong tapusin.
"Indefinite contractualization is a form of slavery," sabi ni senatorial candidate Samira Gutoc patungkol sa sistemang humaharang sa regularisasyon ng mga manggagawa't empleyado.
"It is a form of slavery when you don’t know it’s going to end, ‘yong iyong job term. There are contracts, kailangan klaro sa atin, when it's gonna end there's going to be insurance that will be provided for us.”
Isa sa mga author ng Senate Bill No. 1826 o Security of Tenure Bill, sinabi ni reelectionist Sen. Bam Aquino na handa siyang bumoto rito para tapusin na ang endo sa bansa.
“Handa na po akong bumoto dito para tapusin ang endo sa ating bansa, pero hindi pa siya lumalabas sa plenaryo... Hindi lang sa pribadong sektor, kailangan mawala na rin po ‘yong endo sa gobyerno,” wika ni Aquino na pinsan ng dating pangulo.
Tila sinang-ayunan naman 'yan ng dating GMA reporter na si Jiggy Manicad.
Binansagan niyang "modern exploitation" ang endo at nanawagan na dapat maging modelo ang gobyerno sa pagsupo rito.
Kasalukuyang naka-tengga pa rin ang panukalang batas at 'di pa naaaprubahan sa ikalawang pagbasa ng Senado.
Isa ito sa mga panukalang sinertipikahang "urgent" ng Pangulong Rodrigo Duterte at inendorso rin ng senate committee on labor, employment, and human resource na pinamumunuan ni Sen. Joel Villanueva.
Amiyendahan ang Labor Code
Nais namang amyendahan ni Atty. Glenn Chong ang Labor Code o gumawa ng panibagong batas para tuluyan nang ipagbawal ang "labor-only contracting."
Ganyan din ang sinabi ng dating chairperson ng Metro Manila Development Authority at political adviser ng pangulo na si Francis Tolentino.
Aniya, dapat daw ma-amyendahan ang batas para mabigyan ng opurtunidad sa empleyo ang mga senior citizen.
Kinastigo naman ni opposition candidate Florin Hilbay ang endo at sinabing nawawalan ng insentibo ang mga manggagawang magtrabaho nang matagal dahil rito.
Aniya, hindi dapat antagonistiko ang relasyunan ng mga manggagawa at kapital.
Kasabay nito, sinabi niyang dapat bigyan ng "unemployment compensation" ang mga trabahante hangga't 'di pa naipapasa ang SOT bill.
“Para habang tumatawid sa bagong trabaho ang ating manggagawa, mayroong ayuda ang pamahalaan at hindi sila naiiwan sa ere,” ayon kay Hilbay.
Nandindigan naman si Chel Diokno na kailangan nang magkaroon ng "ending" ang endo.
"Hindi ko maintindihan kung bakit 30 taon na ang nakalilipas, hindi pa rin natin maaayos ang problema ng kontraktwalisasyon," sabi ni Diokno, na isa ring abogado.
Dagdag niya, kaso ng mga kaswal at kontraktwal ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System ang una niyang hinawakan bilang manananggol.
'Hindi maiiwasan'
Hindi naman pabor sina Atty. Larry Gadon at Dr. Willie Ong na tanggalin ang endo sa lahat ng antas.
Imbis na ipagbawal ito, sinabi ni Gadon na mas mapararami ang mga regular sa trabaho kung palalakasin ang sektor ng industriya, na sa ngayo'y nasa 18 porsyento lang daw.
"Gawin nating mura ang kuryente para maka-attract tayo ng investors, and ayusin natin ang peace and order situation so that we can increase the regular workforce. Pagka nabawasan natin 'yan kuryente, dadami ang trabahong regular. Mababawasan ngayon sa service sector. Malilipat sa industrial sector," ani Gadon.
Sa kasalukuyang estado raw ng mga bagay, hindi pa raw posibleng tanggalin ito dahil sa pagka-atrasado ng industriya.
"There are about 42 million of the labor forces of the Philippines. Ngayon, ang service sector kasi is 56 percent. Kaya hindi talaga maiiwasan 'yang endo kasi yung service sector, ang iba diyan ay panandalian lang ang trabaho," dagdag ng kontrobersyal na abogado.
Payag naman si Ong na mapahinto ito sa mga malalaking kumpanya, “Pero sa mga maliliit na negosyo, baka 'di nila kaya.”
Paliwanag niya, baka posible lang ito sa mga dambuhalang fast food chains at department stores.
Ine-endorso ngayon ng sektor ng paggawa ang ilang senatorial candidates sa ilalim ng LABOR WIN gaya nina Neri Colmenares, Leody De Guzman, Ernie Arellano, Sonny Matula at Allan Montanona na tingin nila'y direktang magtratrabaho para sa pagbabasura ng mga "abusive tripartite employment schemes and other anti-labor practices."
- Latest